Isang buwan na ang nakararaan mula nang kagiliwan ng netizens si "Cobibe," ang itlog na gagawin sanang balut pero nakalimutan ng may-ari na lutuin hanggang sa mapisa at maging sisiw.
READ: Balut na nakalimutang lutuin, naging sisiw; pinangalanang 'Cobibe'
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang hitsura ni Cobibe makaraang ang isang buwan at looking good bilang isang pet.
Kuwento ni Maria Corina Venturanza, ang bumili sa itlog pa lang noon na si Cobibe, nakalimutan niyang lutuin ang kaniyang balut hanggang sa may madinig na lang siyang ingay na inakala niya noong una na bubuwit o maliit na daga.
Nang hanapin ang pinagmumulan ng ingay, nakita niya ang itlog na gagawing balut na may butas na dahil nagsimula nang lumbas ang sisiw.
Pero sa halip na ipamigay o itapos, nagpasya si Maria na alagaan ang sisiw.
"Buhay ito, alangang itapon mo, alangan namang pabayaan mo mamamatay. Since balak naming umuwi ng Mindoro, sabi namin after the lockdown iuuwi na lang namin sa farm," kuwento niya.
Kaya ang dapat sanang balut na lalantakan, mula nang maging sisiw, inalagaan niya at binigyan ng maayos na pagkain, paliguan at pati matutulugan.
Sabi ni Maria, ang paa niya ang paboritong puwesto ni Cobibe na higaan.
Nagpapasalamat din si Maria sa pagdating ni Cobibe sa kaniyang buhay ngayong panahon ng pandemya dahil nagpapalakas ito ng kaniyang loob.
"Kung wala ito siguro... nakakapraning eh. Ang feeling ko everytime na lumabas ako parang nagkaroon na ako ng virus, nagkaroon ako...nagkakaroon ako ng anexiety. Pero once na kasama mo na ito, nawawala na yung anxiety mo," ayon kay Maria. --FRJ, GMA News