Ang mga pasyenteng nasa tamang edad na at nagpositibo sa COVID-19, inilalahad ang hirap na mag-isa habang nagpapagaling. Pero papaano pa kaya para sa ang isang batang siyam na taong gulang lang?
Ang batang itinago sa pangalang Gabriel, mahigit isang linggo nang nasa isang isolation center sa Cebu matapos magpositibo siya sa virus.
Bawal ang kaniyang pamilya sa lugar kaya mag-isa lang siyang kumakain at inaasikaso ang sarili. Mabuti lang at nasa isolation center din ang isa nilang kapitbahay na positibo rin sa COVID-19 at siyang nagsisilbing nanay-nanayan niya doon.
“Sobrang sakit, ni hindi mo man siya mayakap, hindi mo siya mahalikan, hindi mo siya makatabi dahil malayo siya," sabi ng ina ni Gabriel.
Saad naman ng kaniyang ama, "Mas okay pa na sa akin na lang dumapo ang sakit kaysa sa aking anak ang makaranas kasi ang bata pa niya."
Sa kabila ng kaniyang sakit, nananatiling matatag ang loob ni Gabriel at maging ang kaniyang pananalig sa Diyos.
“Hindi Siya nagpapakita. Babantayan lang Niya ako kung may virus. ‘Yung aming pagsamba aalis ang demonyo at ang virus. Siya ang aking lakas," saad niya. "Panginoong Hesukristo, gagaling ako rito para makalabas ako."
Sa pamamagitan ng cellphone, sabay na nagdarasal sina Gabriel at ang kaniyang pinsan. Ang nakaaantig niyang panalangin, humaplos sa damdamin ng maraming netizens.
Tunghayan ang kuwento ni Gabriel sa video na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho," at kumustahin ang kaniyang kalagayan ngayon. Panoorin. --FRJ, GMA News