Isang araw matapos pumanaw dahil sa atake sa puso, inihatid na sa kaniyang huling hantungan ang dating miyembro ng sikat na grupong "Hagibis' na si Sonny Parsons, o Datu Parsons Agliam Nabiula Jr., sa tunay na buhay.
Pumanaw si Sonny sa edad na 61, matapos atakihin sa puso na hinihinalang sanhi ng heat stroke nitong Linggo.
Nangyari ang insidente matapos umanong magmotorsiklo si Sonny habang nasa Tayabas, Quezon, Dumalo umano ito sa isang charitable event kasama ang mga kapwa big bike riders nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, inihayag ng anak ni Sonny na si Jeff, na normal naman daw ang lagay ng kalusugan ng ama nang umalis ito patungong Quezon.
Kaya labis silang nabigla nang malaman nila na inatake ito sa puso. Naniniwala sila na dulot ito ng labis na init ng panahon.
Mayroon umanong heart condition si Sonny at sumailalim na sa angioplasty noong 2014.
Inihayag din ni Jeff na may maintenence medicine ang ama lalo na sa puso nito.
Sa isang Facebook post naman ng isa pang anak ni Sonny na si Nicole Sta. Maria, inihayag niya na sinunod nila ang hiling ng ama na maihimlay alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim.
"The family knows that one of Papa's last wishes is to have Muslim burial rites for him, if ever he passes on, and that's what we did today - we honored Papa," saad ni Nicole.
"Such rites dictate that a person be cleansed, prepared, and laid to his final resting place within 24 hours," patuloy niya.
Pero dahil sa umiiral na enhanced community quarantine, sinabi ni Nicole na hindi naging madali ang pag-asikaso nila sa mga labi ng ama pero nagawa nila sa takdang oras.
Humingi naman siya ng paumanhin sa mga taong nais na magbigay ng huling respeto sa kanilang ama pero hindi mapagbibigyan dahil na rin sa kakaibang sitwasyon ngayon bunsod ng pandemic.
"We understand that many of you would like to pay their last respects to him, but we have decided as a family, to schedule necrological services to celebrate his life once the ECQ is lifted. Rest assured that we will keep you posted," ayon kay Nicole na nagpasalamat din sa lahat ng nagdasal at nakiramay sa kanila. --FRJ, GMA News