Madalas na bilin ng mga nakatatanda na huwag munang maglikot matapos kumain o iwasan ang mga mabubutong pagkain upang hindi magkaroon ng appendicitis. Totoo nga ba ito o may ibang dahilan? Paano rin malalaman kung mayroon kang appendicitis? Panoorin ang pagtalakay ng "Pinoy MD."
Si Edward del Rosario, 29-anyos, naging maingat daw matapos kumain dahil na rin sa naturang bilin ng mga nakatatatanda sa kanilang pamilya.
Pero laking gulat niya na sa kabila ng pagsunod sa naturang mga bilin ay nagkaroon siya ng appendicitis na kailangang operahan.
Kuwento niya, isang araw ay nakaramdam siya ng pananakit sa ibaba ng kanang bahagi ng sikmura. Bagaman kaya naman daw niyang tiisin ang sakit, hindi naman daw niya magawang makatayo nang diretso nang dahil sa sakit.
Dahil sa hindi nawawalang sakit, nagpatingin na siya sa duktor at doon niya natuklasan na mayroon na siyang appendicitis o pamamaga ng appendix.
Paliwanag ng "Pinoy MD," lahat ng tao ay mayroong appendix, na gumagawa ng antibodies sa unang limang taon ng buhay ng tao.
Ang appendix ay organ na hugis daliri ay matatagpuan sa cecum o unahang bahagi ng malaking bituka. Bagaman nawawala ang gamit ng appendix sa pagtanda ng tao, maaari itong mamaga at pumutok na delikado sa buhay ng tao.
Ngunit hindi umano ang pagkain ng mga mabutong gulay, tulad kamatis, o magtalon o paglilikot matapos kumain ang dahilan ng appendicitis.
Para malaman ang sanhi ng appendicitis at ano ang mga palatandaan nito, panoorin ang ginawang pagtalakay dito ng "Pinoy MD:"
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News