Babala: Huwag itong gagayahin at susubukan dahil lubha itong mapanganib.

Buwis-buhay ang marketing strategy ng isang lalaki mula sa Malaybalay, Bukidnon dahil para patunayan sa mga tao na mabisa umano ang ibinebenta niyang lana o langis na pangontra raw sa kamandag, siya mismo, nagpapatuklaw sa cobra.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video ni "Rene," hindi niya tunay na pangalan, habang naglalako ng kaniyang lana sa mga tao.

Para patunayan na mabisa ang kaniyang lana, naglabas siya ng isang malaking Samar cobra at ipinakagat ang isa niyang daliri hanggang sa dumugo.

Ayon sa exotic and wildlife veterinarian na si Dr. Sean Frederick Serrano, katulad ng kamandag ng Philippine cobra ang bangis ng kamandag ng Samar cobra, na maaaring mamatay ang natuklaw sa loob lang ng ilang oras kapag hindi naagapan.

Matapos magpakagat si Rene sa cobra, kumuha siya ng ibinebenta niyang lana at nag-spray sa sugat, kamay, braso, at sa bibig.

Hindi naman nasayang ang buwis-buhay niyang pakulo dahil nakapagbenta siya ng 80 botelya nang araw na iyon na nagkakahalaga ng P100 ang bawat isa.

At si Rene, nanatili namang buhay hanggang sa makausap ng personal ng "KMJS" team para tanungin tungkol sa kaniyang produktong lana.

Bukod kay Rene, naniniwala rin ang magsasaka na si Willie Cruz, na ang lana na nabili niya ang nasalba sa kaniyang buhay nang matuklaw siya ng ahas sa bukid.

Ngunit bukod sa panlaban sa kamandag, naniniwala rin si Willie na naging daan ang pag-inom niya ng lana na inihahalo niya sa inumin kaya naging normal umano ang kaniyang blood pressure.

Kuwento ni Rene, dati siyang tagagapas ng damo sa kanilang lugar kaya madalas siyang maka-engkuwentro ng mga ahas.

Ang kaniyang lana, sarili daw niyang pormulasyon mula sa iba't ibang halaman. Kasama rito ang isang halaman na nakita niyang niyakap ng isang cobra na nakaligtas matapos makipaglaban sa kapuwa cobra.

Ayon kay Rene, nang minsan nasa budok siya, may nakita siyang dalawang cobra na naglalaban. Hinayaan lang niya ang mga ito na maglaban hanggang sa namatay ang isa.

"Huwag mo lang galawin kasi may mamamatay na isa. Yung isang nabuhay kukuha 'yan ng gamot," saad ni Rene.

Nakita umano ni Rene na nilingkis ng nabuhay na cobra ang isang uri ng halaman na kung tawagin nila ay Soro-soro. Iyon umano ang gamot na panlaban sa mga kamandag.

Para maging mas mabisa, inihalo rin ni Rene ang isa pang uri ng halaman na tinatawag na Picher plant.

Ang mga halaman na kaniyang kinukuha, pinakuluan ni Rene sa palm oil, at saka niya inihalo ang Soro-soro. Matapos pakuluan, sinala nito ang langis at inilagay sa mga botelya na kaniyang ibibebenta.

Ngunit mayroon nga bang medicine properties ang mga halaman na kinukuha ni Rene para makagaling ng sakit at maging panlaban sa kamandag? Alamin ang reaksyon dito ng mga eksperto. Tunghayan sa video ng KMJS ang buong ulat. --FRJ, GMA Integrated News