Marami ang naantig ang damdamin sa mala-Koreanovela na kuwento ng mag-inang sina Julius Manalo at Korean na si Oh Geum Nim, noong nakaraang Setyembre sa Korea. Nangyari 'yan matapos silang magkalayo ng 30 taon. Ngayon naman, si Oh Geum ang nagpunta ng Pilipinas upang muling makapiling ang anak, na ipinakita ang naging pamumuhay niya sa Tondo, Maynila.
BASAHIN: Half-brother ni Jay Manalo na si Julius, muling nayakap ang Korean na ina matapos ang 30 taon
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang ginawang paghahanda at pagsundo sa airport ng Filipino-Korean na si Julius, na half-brother ng aktor na si Jay Manalo, nang dumating sa bansa ang kaniyang "eomma" na si Oh Geum Nim.
Sa airport, makikita ang pananabik ng mag-ina na muling magkasama matapos ang pagtatagpo nila sa Korea noong nakaraang taon, na tumapos sa 30 taon na kanilang pagkakahiwalay.
Sa panayam, sinabi ni Geum Nim na nagdala siya ng radish kimchi, o kkakdugi na paborito ni Julius, maging ang hanwoo, o ang premium Korean beef.
"Sa sobrang dami, nagbayad pa kami ng additional 20,000 won dahil nag-over baggage," saad ni Geum Nim sa pamamagitan ng translator.
Kasama ni Geum Nim na bumisita sa Pilipinas ang tiyahin at pinsan ni Julius, na naging bahagi rin noon ng kaniyang pagkabata.
Para kay Julius, "other half" ng kaniyang kuwento ang pagkikita nila ng kaniyang ina sa South Korea. Ngayon, ibabahagi niya naman sa ina ang kaniyang naging buhay sa Pilipinas noong magkahiwalay sila nang iuwi siya sa bansa ng kaniyang ama.
"And mabubuo na 'yung kung ano man 'yung nawala sa amin for 31 years," ani Julius.
Buhay sa Tondo
Dinala ni Julius ang kaniyang ina sa ilang pasyalan sa Metro Manila gaya sa Luneta. Ayon kay Geum Nim, para lang siyang nasa Korea kapag nadidinig niya ang tawag sa kaniya ni Julius na "eomma."
Sa Luneta, ipinaranas ni Juluis sa kaniyang ina ang sumakay ng kalesa. Noong una, nakaramdam ng takot ang kaniyang ina.
"Nu'ng seven years old siya sa Korea, pumunta kami sa Seoul Land at sumakay din siya ng ganito pero mukhang 'di niya maalala," ani Geum Nim.
Nang dalhin ni Julius ang ina sa kaniyang naging bahay sa Tondo, ipinakita niya ang kaniyang pencil sharpener na bigay sa kaniya noon ng kaniyang ina nang bata pa siya.
Hindi mapigilan ni Geum Nim na maging emosyonal nang makita ang naging pamumuhay ng kaniyang anak noon sa maliit na bahay.
"Sabi ko ang sa akin, normal lang. Hindi naman ako nagpapakita sa 'yo nu'n para saktan ka. Ipinakita ko 'yun kasi gusto ko alam mo kung ano 'yung na-miss mo, o 'yung Julius na nagpunta ng Pilipinas," paliwanag ni Julius.
Ayon kay Geum Nim, hindi niya alam na ganoon ang lugar ng tinirhan ni Julius. Inakala umano niya na maayos ang buhay nito dahil nagpapadala siya ng pera sa ama nito.
Sa kabila nito, wala sa isip ni Julius na sana ay sa Korea na lang siya lumaki. Binalikan niya ang dati niyang nadinig na paalala na mas magandang makita ang ibaba bago tumingin sa itaas.
Ipinasyal din ni Julius ang ina sa kaniyang mga pinasukang paaralan, pati ang Philippine College of Criminology kung saan siya naging basketball scholar.
Masaya at proud naman si Geum Nim na naabot ng kaniyang anak at naging matatag na bata.
Dinala rin ni Julius ang ina sa simbahan kung saan siya ikinasal para maipadama ang mga tagpo na hindi nito nasaksihan dahil sa kanilang pagkakalayo.
Ayon kay Julius, ang biyenan ng kaniyang kapatid ang naghatid sa kaniya sa altar, dahil hindi siya puwedeng ihatid ng kaniyang stepmom dahil sa paniniwala.
Mistulang inulit ni Julius ang kaniyang kasal dahil sinasambit niya ang kaniyang wedding song habang kasama at nakaakbay sa kaniya si Geum Nim, habang naglalakad sila papunta sa altar.
"Nakonsensiya ako. I felt bad kasi gusto niyang makasama akong maglakad. Mag-isa lang siya noong ikasal siya. Sabi ng asawa niya, umiyak daw siya nang sobra," sabi ni Geum Nim.
Dahil sa kanilang muling pagkikita ni Julius, sinabi ni Geum Nim na muli siyang nabuhayan ng loob at nagbigay ng kabuluhan na dapat niyang ingatan pa rin ang sarili.
"Sa totoo lang dahil tumatanda na rin ako, nalungkot ako dahil matagal akong namuhay mag-isa. Pero para siyang isang hero na biglang dumating, biglang akong nabuhayan. Dahil sa kaniya, kailangan kong mag-ingat at alagaan ang sarili ko, mas nabuhayan ako dahil nandito na ang anak ko," saan niya.
Pero ano kaya ang plano ngayon ng mag-ina upang mas matagal pa rin silang magkasama? Si Julius kaya ang lilipat sa Korea, o hihikayatin niya na ang kaniyang ina na manatili na sa Pilipinas? Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News