Nasaksihan ng sikat na content creators na Capinpin Brothers sa kuha ng kanilang CCTV cameras ang lakas ng puwersa ng kalikasan nang hambalusin ng buhawi ang kanilang barangay, kasama ang ipinatayo nilang dream house sa Nueva Ecija.

Sa nakaraagn episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang unang panayam sa magkakapatid nang sorpresahin nila ang kanilang ina nitong pagsisimula ng 2024 sa ipinagawa nilang dream house sa Cabanatuan na katas ng kanilang pagba-vlog.

Nakatayo ang kanilang pinaghirapan na maipundar na magarang bahay sa loob ng isang compound na mayroong swimming pool, home theater at glass house.

Ang compound na kanilang ipinatayo sa loob ng ilang buwan, halos walisin nang malakas na hangin at ulan sa loob lang ng ilang segundo.

Makikita sa CCTV footage na maging ang malaki at mabigat nilang automatic gate, nasira. Ang mga gamit sa billiard's area, nagsiliparan. Maging malaking kubo na hindi basta-basta mabubuhat ng ilang katao, pinatumba.

Ayon kina Allen at Gavin, nagsimula ang hindi nila malilimutang araw na ordinaryo lang na mainit na panahon. Pero pagsapit ng hapon, nagsimula lang kulimlim, humangin at umulan, hanggang sa mangyari na ang hindi nila inaasahan.

Ang isa nilang kaibigan na si Luisito, naisipan pa na mag-vlog nang sandaling nagsisimula nang lumakas ang umulan.

Pero napaatras siya at napilitan nang pumasok sa bahay nang mapansin niya na hindi na ordinaryo ang lakas ng hangin.

At nang panoorin nila sa CCTV cameras ang buong pangyayari sa ginawang paghambalos ng malakas na hangin sa kanilang compound, namangha sila.

Ano nga bang weather phenomena ang nangyari ang tumama sa naturang barangay at ano naman kaya ang nangyari sa iba pang kapitbahay ng Capinpin brothers. Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News