Mapapa-sana-all malamang ang maraming Pinoy kapag nalaman nila na hindi uso ang baha sa Bonifacio Global City sa Taguig. Bakit nga ba? Alamin ang kanilang sikreto.
Sa ulat ni Jonathan Andal ng GMA Integrated News, sinabing makikita ang isang dambuhalang water detention tank sa ilalim ng Burgos Circle na pinag-iimbakan ng tubig kapag may ulan.
Pagkatapos ng ulan, ipa-pump ang tubig papunta sa isang creek, na lalabas naman sa Pasig River.
Ang water detention tank ay may lalim na 12 metro o katumbas ng apat na palapag na gusali ay kayang paglagyan ng 22,000 cubic meters ng tubig, o katumbas ng walong Olympic-size swimming pool.
Puwede pa itong gawin sa ibang bahagi ng Metro Manila na nalubog sa baha ang maraming lugar nang manalasa ang Habagat at bagyong "Carina?"
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bukas sila sa ideya na gayahin ang underground water impounding structure sa BGC.
Ngunit pag-amin nila, mahirap itong hanapan ng angkop na lugar.
“Yes, the DPWH actually contemplated [repeating] the best practice of BCDA in BGC,” sabi ni DPWH Undersecretary Catalina Cabral sa isang punong balitaan sa Quezon City.
“The challenge really is in urban areas, especially in Metro Manila, finding where to locate… finding the land that will allow us to build such a reservoir,” sabi pa ni Cabral.
Matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, binatikos ng ilang senador ang pagpapatupad ng mga flood control project na pinaglalaanan ng bilyon-bilyong pisong pondo taun-taon pero patuloy pa rin ang pagbaha.
Sinabi ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na nasa P255 bilyon ang inilaan para sa mga flood control project ng DPWH para sa 2024.
Ayon kay Cabral, nakumpleto na ng DPWH ang higit 5,500 flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2024. Gayunman, hindi inaasahan ang dami ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Carina at Habagat.
Dagdag ng DPWH undersecretary, na kung hindi dahil sa mga flood control measure ng gobyerno, mas malala pa ang sinapit ng Metro Manila.
“Pero marami hong mga portion ng Metro Manila na kung hindi po namin nagawa ang mga intervention namin over the year ay baka ho mas malala pa [ang baha,” sabi ni Cabral. --FRJ, GMA Integrated News