Kahit napapahiyaw sa sakit ang mga nagpapahilot sa isang lalaki sa Malaybalay, Bukidnon, dinadayo pa rin siya ng mga taong hindi o kaya naman ay hirap makalakad dahil nagkakaroon umano ng positibong resulta. Kilalanin kung siya at ano ang paraan ng kaniyang paghilot.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa dami ng mga gustong "magpagamot" kay Ceasar Romero, mula sa Malaybalay, Bukidnon, kinailangan na niyang ipagbawal ang walk-in na pasyenteng nagpupunta sa kaniya.
Ang ilan sa mga nagpapagamot kay Ceasar, inaabot umano ng buwan bago makakuha ng slot o schedule kung kailan pupunta.
May mga pasyente rin na mula pa sa malalayong lugar, maging sa labas ng Mindanao na 7:00 am ay nakaabang na sa kaniyang gamutan. Umaasa sila na makakalakad din muli gaya ng mga pasyente na napapanood nila sa social media na nagpagamot kay Ceasar.
Tulad ni Nanay Tita, 70-anyos, na mula sa Panabo, Davao del Norte, na limang oras ang biniyahe para makapagpahilot kay Ceasar.
Kuwento ni Nanay Tita, 2015 nang magkaroon siya ng problema sa tuhod at mula noon ay hirap na siyang makalakad nang walang tungkod at may nararamdaman ding sakit.
Nang nagpatingin siya sa duktor, sinabihan umano siya na ang pagkawala ng fluids sa ligament ang dahilan kaya iika-ika na siya sa paglalakad at may nararamdamang sakit.
Sa kabila ng mga ibinigay na gamot at pagsailalim sa operasyon, hindi umano bumuti ang kalagayan ni Nanay Tita. Hanggang sa napanood ng kaniyang mister ang video sa social media sa ginagawang panggagamot ni Ceasar.
Ayon kay Ceasar, wala siyang mga orasyon o laway na ipinapahid sa kaniyang mga hinihilot. Bukod sa mga hirap o hindi makalakad, ginagamot din daw niya ang mga may nerve damage, stroke, migraine, hindi makatulog, at frozen shoulder.
Samantalang hindi niya ginagamot ang mga may cancer, mga bagong opera, at dialysis patient na may catheter.
Si Nanay Tita, agad umanong pinahiga at sinimulan nang hilutin ni Ceasar. Makikita na halos maiyak siya sa sakit sa ginawa sa kaniyang paghilot.
Pero nang matapos ang hilutan at patayuin si Nanay Tita, muli siyang napaiyak hindi na dahil sa sakit kung hindi sa tuwa dahil muli raw siyang nakahakbang nang walang nararamdamang sakit at walang tulong ng tungkod.
Saan nga ba nakuha ni Ceasar na dating may-ari ng junkshop ang kaniyang kakayahang manggamot, at ano ang paliwanag ng mga dalubhasa tungkol sa kaniyang ginagawa? Tunghayan sa video ang buong kuwento. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News