Itinuturing peligroso kapag pumutok ang appendix kaya kailangang maagapan ito at maoperahan kaagad ang pasyente. Ngunit totoo nga bang mas madali na ma-diagnose sa lalaki kung may appendicitis kaysa sa babae, at ano ang mga sintomas nito? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing unang sintomas ng appendicitis ang pananakit sa bandang gitna ng tiyan, bago lilipat sa ibabang kanang bahagi ng tiyan.
Lalala pa ang sakit kapag umuubo o sinusubukang maglakad ng isang tao.
Kasama rin sa mga sintomas ng pagkakaroon ng appendicitis ay ang kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, lagnat, paglobo ng tiyan, constipation o kaya naman ay diarrhea.
Paliwanag ni Dr. Neil Rodmar Aquino, laparoscopic surgeon sa St. Luke’s Medical Center, mas madaling ma-diagnose sa isang lalaki ang appendicitis.
"Dahil kapag ang isang babae ay may appendicitis, marami pa kasing kailangan i-rule out doon. Like meron siyang ovaries na puwede magkaroon o mag-cause ng pain, katulad ng sa appendicitis, meron siyang fallopian tubes, so meron pa siyang mga ibang organs du’n sa kaniyang pelvis,” ayon sa duktor.
“Unlike sa males, sa mga lalaki, kapag ka nagkaroon siya ng right lower quadrant pain, more or less, appendicitis iyon, basta ma-rule out mo ‘yung urinary tract infection,” dagdag ni Aquino.
Sa ngayon, operasyong appendectomy ang tanging lunas para sa mga taong may appendicitis, kung saan tinatanggal ang appendix.
Ayon kay Aquino, peligroso kapag pumutok ang appendix, dahil kakalat ang dumi sa loob ng abdomen o tiyan ng pasiyente na magdudulot ng infection o sepsis na puwedeng ikamatay kapag hindi naagapan.
Alamin sa Pinoy MD ang ilang paraan para maiwasan ang appendicitis at ano ang mga maling paniniwala ng iba tungkol sa dahilan nito. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News