Kung nais maging fit at healthy, hindi na kailangang gumastos ng malaki dahil maaari itong makamit sa pamamagitan ng pagtakbo, na hindi kailangang magbayad. Alamin ang benepisyo sa kalusugan--sa pisikal, mental at sosyal--na makukuha sa pamamagitan ng pagtakbo.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang pagtakbo ay nakapagpapabuti ng cardiovascular endurance at lung capacity ng isang tao, pati na rin sa kaniyang cognitive function gaya ng memory retention at attention span.
Sinabi naman ng physical rehabilitation expert na si Dr. Hubert Co, na nakatutulong ang pagtakbo para mapigilan ang pagkakaroon ng osteoarthritis.
“‘Pag kayo ay tumatakbo, pinapalakas po nito ang mga buto natin, pinapalaki ang muscles, and number three, pinapababa ‘yung mga body fat amount natin,” ayon kay Co.
Sa kabila nito, importanteng matutuhan ang tamang porma sa pagtakbo upang matiyak ang pagiging epektibo ng workout.
“‘Pag tumatakbo tayo, ayaw natin na ‘yung talbog pataas. Gusto natin, we drive ourselves forward, paharap. Ayaw natin ng sobrang talbog natin ‘pag tumatakbo kasi nakakasayang ng energy ‘yan, pataas ‘yung takbo. Gusto natin, paharap, pa-forward,” sabi ni Paulo Tomacruz, founder ng 5am Gang.
“The recommended running time, whether it's moderate intensity or high intensity, it's about 60 minutes per day,” sabi ni Dr. Co.
Bukod dito, maaari ring tumakbo ang mga edad na anim hanggang 64, hangga’t wala silang medical contraindication o underlying medical problem.
Bukod sa mental at pisikal na benepisyo, may sosyal na benepisyo rin ito dahil maaaring may makilala na ibang tao na tumatakbo. Ang ilan, nahanap ang kanilang “the one,” gaya ng magkasintahang sina Audrey at Job.
“Fitness ang motivation eh. So bonus na lang ‘yung friendships, relationships,” sabi ni Job.
“Yes, dito kami nakakalala. And interesting lang for me that we have the same fitness goals,” sabi ni Audrey.
Ayon pa kay Dr. Co, tumataas ang "dopamine" kapag tumatakbo na isang happy hormone na mabuti para sa pagkatao.
“Fulfilling, satisfying. Tapos for example, may nakita ka na struggling, puwede mo siyang tulungan. Parang win-win situation din siya,” sabi ni Job.
“Na-enjoy namin ‘yung community, ‘yung atmosphere, ‘yung environment, and ‘yung connection sa isa't isa. Lalo na kapag same kayo ng goals ng mga kasama mo du’n sa running community,” sabi ni Audrey.
Ngunit totoo nga kaya ang ilang paniniwala tungkol sa pagtakbo na magdudulot daw ng pasma kapag naligo agad matapos mag-jogging? O kaya naman ay posibleng magkaroon ng appendicitis kapag tumakbo kahit kakakain lang? Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News