Sa basurahan sa bahay naisipan ng isang lalaki na itago ang kaniyang jewelry box na naglalaman ng mga mamahaling alahas na kaniyang pinag-ipunan. Pero nawala ito sa isip niya hanggang sa tuluyang maitapon ang laman ng basurahan kasama ang mga alahas. Maibalik pa kaya ang mga ito sa kaniya?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mark Noel Raymundo, mula sa Angono, Rizal, na ang pagbili ng mga alahas ang naging investment niya nang makapagtrabaho siya sa Amerika.
Dalawang dekada rin niyang ginawa ang pag-iipon ng mga alahas na kinabibilangan ng mga singsing at bracelet. Nasa jewelry box ang singsing na bigay ng kaniyang ina, pati na ang mamahaling engagement ring rin nila ng kaniyang partner na si William.
Hanggang noong hapon ng May 11, nagkayayaan sila ng kaniyang pamilya na kumain sa labas bilang advance Mother's Day celebration.
Pero bago umalis, naghanap si Mark ng ligtas na lugar sa kanilang bahay para itago ang kaniyang mga alahas kung sakali man may pumasok na magnanakaw habang wala sila.
Ang naisip ni Mark, ilagay sa paper bag ang jewelry box, at saka niya inilagay sa loob ng basurahan at pinatungan niya ng plastic na pinaglalagyan ng mga tunay na basura.
Pero nawala sa isip ni Mark ang jewelry box nang umuwi sila. Hanggang kinabukasan ng umaga, pinasama-sama ang mga basura at iniwan ng kaniyang ina na sa labas ng kanilang bahay para makuha ng mga basurero.
Naalala lang ni Mark ang jewelry box noong May 13 nang may maamoy siyang hindi maganda at hinanap kung saan ito nanggagaling.
Nanlumo si Mark nang malaman niya na wala na mga basura kasama ang jewelry box. Kaagad silang nakipag-ugnayan sa kinauukulan para alamin kung sino ang humakot ng mga basura at kung saan ito na ibinagsak.
Hindi na alintana nina Mark ang amoy sa tambakan ng basura sa hangaring makita ang kaniyang jewelry box. Makita pa kaya o maisauli kay Mark ang kaniyang mga alahas? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng KMJS.-- FRJ, GMA Integrated News