Sa unang bahagi ng seryeng ito tungkol sa sakit puso at halaga ng gastusin para sa operasyon, inihayag ni Pastor Rene na hindi siya handa nang malaman niya kung magkano ang kakailangan para sa Coronary Artery Bypass Grafting (CABG). Samantala, halos bumaligtad naman ang mundo ni Lei nang malaman niyang may butas sa puso ang kaniyang bagong silang na sanggol na si Rose.

UNANG BAHAGI: Masakit pa rin ba sa bulsa ang magpagamot ng sakit sa puso ngayon?

Noong Enero 2019, nakita sa isang angiogram procedure na barado ang coronary arteries ni Pastor Rene dahil sa pamumuo ng “plaque” na bumabara sa ugat. Gaya ng ibang normal na pasyente, tinanong ni Rene, ama na may tatlong anak na mga nag-aaral pa noon, kung magkano ang kailangan niyang ilabas mula sa kaniyang bulsa para sa operasyon.

Sa Philippine Heart Center (PHC) na pag-aari ng gobyerno, sinabi niyang nasa P850,000 ang kakailanganin para sa kaniyang heart bypass surgery.

Maaaring maging doble umano ang halaga kung sa pribadong ospital gagawin ang operasyon.

“No. I didn't have that amount of money,” sabi niya.

“I was a pastor of a small church and at the same time working in a non-governmental organization, and so basically, I couldn’t afford it,” pahayag niya.

 

 

Sa ilalim ng Surgical Package Deal ng PHC, umaabot ng mula P405,000 hanggang P1.1 milyon ang iba't ibang uri ng CABG procedures, depende pa kung ito ay pribado, semi-private, o ward plan.

Ang pagsalba kay Rose na may butas ang puso

Noong 1998, halos bumaligtad ang buhay ni Lei nang malaman niyang may butas sa puso ang kaniyang bagong silang na sanggol na si Rose.

Batay sa datos ng Department of Health, kabilang ang congenital malformations of the heart o congenital heart disease (CHD) sa sampung pangunahing dahilan ng maagang pagpanaw ng mga sanggol at mga bata.

Sa isang episode ng programang Brigada, sinabing dumadami ang mga kabataan na may sakit sa puso.

Sa kaso ni Lei, pinaniniwalang nagkaroon ng komplikasyon sa kaniyang baby na si Rose habang ipinagbubuntis niya ito.

Bilang isang babae na may iregular na regla, hindi alam ni Lei noon na nasa unang trimester na siya nang makasalamuha niya ang isang katrabaho na may German measles, at mga estudyanteng may beke at bulutong-tubig o chickenpox.

Nang ipanganak si baby Rose, sinabi ng doktor na may tunog ng tila paghingal ang puso nito at nagkukulay asul. Kinailangan din na nakaupo kapag pinadede ang bata, hindi tulad ng ibang malulusog na mga bagong silang na sanggol na kalong-kalong ng kanilang mga ina.

Naka-iskedyul si Rose para sa isang open heart surgery sa PHC bago siya magdalawang-taong-gulang para maisara ang kaniyang ventricular septal defect o butas sa puso.

Nagsikap si Lei, isang guro sa pribadong paaralan, na makalikom ng P1.7 milyon para sa operasyon, mga gamot, at gatas ng kaniyang anak sa ospital.

“Sabi niya, nu’ng nalaman niyang maysakit ako, parang at first, hopeless siya kasi first anak niya and bata pa. At the same time, financially, big amount ‘yung need i-prepare. Pero she was determined to find a way to give me a lease on life,” pag-alala ni Rose.

 

 

Ayon kay Rose, kinailangang magpadala ng liham ang kaniyang ina sa malalapit na kamag-anak at kaibigan, at nagbenta pa ng mga kagamitan para lang makalikom ng mahigit isang milyong piso para sa kaniyang operasyon.

Ilan din sa mga miyembro ng kaniyang pamilya ang nag-aplay para sa mga loan o pautang, at nag-ambag din ang simbahan kung saan nagboluntaryo ang kaniyang pamilya.

Binigyan din siya ng social service assistance ng PHC lalo’t kailangan ng kaniyang pamilya na regular na bumiyahe mula sa Tacloban City papunta ng Metro Manila para sa kaniyang mga check-up, laboratory exams, at operasyon.

Malaking hamon sa mga ospital sa mga lalawigan

Ayon kay Dr. Elfred Batalla, head ng Southern Philippines Medical Center Heart Institute sa Davao City, nananatiling hamon ang kakulangan ng healthcare workers, mga serbisyo sa laboratoryo, at mga gamot sa mga lalawigan.

“It’s very difficult for patients. I have patients who travel eight hours from their place just to have a good diagnostic procedure and good management of their disease. On our part as physicians, that is a sad thing,” sabi niya.

Ikinalungkot din ni Batalla ang mahirap na sitwasyon sa mga pampublikong ospital kung saan nalulula ang healthcare workers sa pagdagsa ng mga pasyente at kadalasang kakaunti ang mga pasilidad.

“Kulang ang rooms ng admitant. Nandon lang sa emergency room. Kapag napuno na ang emergency rooms, nasa labas na ang mga patients,” dagdag niya.

Ngunit dahil sa pinayuhan ng isang physician sa Leyte na ipatingin si Rose sa PHC sa Quezon City para sa isang full-scale assessment ng kaniyang sakit, naglakas-loob ang kaniyang pamilya na magpabalik-balik sa Tacloban para iligtas ang kaniyang buhay.

Biyaya ang pagtanda para kay Rose

Sa kabila ng mga pasubok sa paghagilap ng perang pambayad sa operasyon, kapuwa nakaraos nang matiwasay sina Pastor Rene at si Lei para sa anak niyang si Rose.

“Nagkaroon ng fears na I won’t make it through the surgery, but thankfully, naging okay naman. Although, ang sabi ng doctor, likely hanggang nine years old lang ako,” balik-tanaw ni Rose na 25-anyos na ngayon at planong maging abogado.

Aniya, may ilang mga komplikasyon nang magsimula ang operasyon niya. Kabilang dito na kinailangan siyang i-revive sa loob ng dalawang oras. Hindi rin lubos na natagpiin ang butas sa kaniyang puso, base sa desisyon ng kaniyang mga doktor.

“Sabi ng doctors, parang nag-leak ‘yung patch… So after nu’ng procedure, ‘yung hole, hindi siya totally closed. Aside from that, kasi lumalaki ka rin so nag-e-expand ka, so medyo mahirap talaga siya na i-fully close. Hindi na nila in-extend ‘yung procedure,” sabi niya, habang inaalala ang mga kuwento ng kaniyang ina.

Utang niya ito sa kaniyang ina na si Lei, na itinuturing isang himala ang kaniyang paggaling. Ibinahagi ni Rose na nagiging emosyonal pa rin si Lei sa kaniyang mga kaarawan at sa tuwing nagtatagumpay siya sa buhay, dahil inaalala nito ang lahat ng mga sakripisyo at pakikibaka na kanilang kinaharap noong bata pa siya.

“Dahil nagkaron ng age limit or kailangan mag-ingat, very special talaga sa’kin ang birthday kasi it’s another year, nadadagdagan ang age ko. Parang mas napo-prove ko sa universe na mas nagtatagal years ko,” sabi ni Rose.

“Diba may ibang tao ayaw nilang tumatanda? But for me parang blessing ‘yung growing older kasi parang hindi naman siya in-expect o akala ng iba na hindi aabot ng ganyan,” patuloy niya.

Sa susunod na bahagi ng seryeng ito, alamin ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para matulungan at mapagaang ang gastusin ng mga taong kailangang operahan ang puso. Si Pastor Rene, sinabing malaking tulong sa kaniyang operasyon ang suportang nakuha sa programa ng gobyerno.—mula sa Cover Stories report ni Giselle Ombay, isinalin ni Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News