Bawal magtampisaw ang mga beachgoer sa isang bahagi ng beach sa Manito, Albay dahil sa halip na maging refreshing ang feeling, disgrasya ang puwedeng abutin dahil sa sobrang init ng tubig dito na kumukulo pa. Bakit kaya?
Sa isang episode ng "AHA!," sinabing matatagpuan sa Barangay Pawa ang tinatawag ng mga residente na "boiling sea" o "boiling lake" na naturang bahagi ng beach na literal na kumukulo.
Ayon kay Eleuterio Daep Jr., Barangay Captain ng Pawa, matagal nang nadiskubre ang kumukulong dagat na nakapapaso ng balat ang init.
Mas ramdam pa umano ng mga residente ang singaw ng init mula sa boiling sea sa tuwing high tide. Kaya nababahala ang ilan at iniiwas pati ang kanilang mga alagang hayop dahil may mga pagkakataon na malakas ang bulwak ng tubig gaya nang nasaksihan ng AHA team.
Para maiwasan ang aksidente sa lugar, naglagay na ng warning signs at markers ang barangay.
Gayunman, ilang residente ang nangangahas na pumunta pa rin doon, at nasubukan na maglaga ng itlog.
Paliwanag ng Mines and Geosciences Bureau, mayroong walo hanggang siyam na cluster ng inactive volcanoes sa ilalim ng seabed sa lugar
Papasa bilang "inactive volcano" ang isang bulkan kapag hindi pa ito sumasabog sa loob ng 10,000 taon.
Sinabi naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na may 355 inactive volcanoes sa Pilipinas sa kasalukuyan.
Gayunman, hindi umano konektado ang "boiling sea" sa Mayon Volcano at hindi rin nakaaapekto sa marine life ng lugar.
Sinabi naman ng geologist na si Elvin de Leon na kung may "boiling sea" ang isang lugar, posible ring may geothermal deposits dito.
May mga panahon na kalmado at kung minsan ay agresibo ang pagkulo ng tubig sa boiling sea dahil posibleng iba-iba ang temperature at pressure sa ilalim ng lupa.
Sa kabila ng posibleng panganib na maidudulot ng boiling sea, marami pa ring turista ang dumarayo sa lugar dahil malaking bahagi pa rin ng beach ang puwedeng paliguan.
Upang mapangalagaan ang tourist attraction sa lugar, tutulong-tulong ang LGU at mga residente sa patuloy na pagpapaalala sa mga dumarayo sa boiling sea.-- FRJ, GMA Integrated News