Ang paresan ng isang dating overseas Filipino worker sa Pasay na dinadaan-daanan lang noon, ngayon, pinipilihan na rin sa tapat ng sikat na Pares Overload ni "Diwata."
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nasa kabilang bahagi ng kalsada ang paresan na "Engcanto" ng dating domestic helper sa Kuwait na si Juliet Nabor.
Ayon kay Juliet, taong 2015 nang simulan niyang magtinda ng pares. Pero dahil wala siyang permit, madalas siyang mahuli.
Ang pinupuwestuhan nila ngayon ni Diwata sa Pasay, mistulang naging food trip destination na matapos mag-viral ang pares overload ni Diwata sa halagang P100.
Pero kung pinipilahan ang paresan ni Diwata, ang paresan ni Juliet, dinadaan-daanan lang.
Kuwento nito, kung minsan, sila na mismo ng kaniyang kasama ang umuupo sa harap ng kanilang paresan para mapansin ng mga dumadaan na kunwaring may kumakain.
Kinalaunan, unti-unti nang lumilipat at tumatawid kay Juliet ang mga nakapila kay Diwata na hindi na kayang maghintay sa dami.
Ang presyo ng pares overload ni Juliet, P100 din.
Ang batok ng baboy na ginagamit niya sa pares, sa halip na piniprito, inihaw para less ang kolesterol.
At tuluyan nang pumatok ang negosyo ni Juliet nang may isang food vlogger ang nakapansin sa kaniyang paresan.
Tunghayan ang buong kuwento at alamin ang nakagugulat na laki ng kita sa paresan niya ngayon. Alamin din kung saan nagsimula ang pangkaing "pares." Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News