Inihayag ng isang beterinaryo na ilan sa senyales o sintomas ng epekto ng rabies virus sa katawan ng taong nakagat ng aso o pusa ay katulad ng taong tinatrangkaso.
Sa video ng GMA Integrated News "Need To Know," marami ang nahabag sa sinapit ng isang 13-anyos na babae sa Maynila na pumanaw dahil sa rabies.
Napag-alaman na nakagat ng aso ang biktima dalawang buwan na ang nakalilipas pero hindi niya ipinaalam sa kaniyang mga magulang.
Pero nang sumama ang pakiramdam ng dalagita, dinala siya sa ospital at doon lang niya ipinagtapat ang nangyaring pagkakagat sa kaniya ng aso.
Sa kasamaang-palad, pumanaw ang dalagita 12 oras matapos siyang dalhin sa ospital.
Ang rabies ay virus na maaaring makuha sa kagat, laway o kalmot ng pusa o aso, na hindi nabakunahan ng kontra-rabies.
Ayon sa beterinaryo na si Dr. Jerry Alcantara, lubhang delikado ang rabies at 100 percent na nakamamatay kapag nakapasok na ang virus sa mga sugat o nerve endings ng sugat.
Ang mga sintomas ng epekto ng rabies ay katulad din umano ng ilang sintomas ng isang may trangkaso gaya ng panghihina, nilalagnat, at masakit ang ulo.
Makararamdam din ng pangangati sa bahagi o parte ng katawan na nakagat ng hayop na may rabies.
Bukod pa diyan ang pagbabago rin sa ugali o kilos ng taon. Gaya ng pagkawala ng ganang kumain, natatakot sa hangin, at may hydrophobia o takot sa tubig.
Sa kaso ng dalagitang nasawi sa rabies, sinabing hindi na makainom ng tubig ang biktima bago ito pumanaw.
"Hanggang sa pati sila, hindi mo na rin makontrol, nagiging aggressive na rin. Minsan nga nakikita pa natin yung mga tao, tinatali, kinukulong sila sa isang kuwarto dahil kahit sila, may nagmu-mutilate. Nahihirapan din sila kaya definitely, mamamatay din sila," ayon kay Alcantara.
Kapag nakagat ng aso o pusa, dapat umanong hugasan agad ang sugat ng malinis na tubig at sabunin.
Sa ganitong paraan ay maaari umanong maalis ang rabies virus sa sugat na likha ng kagat o kalmot.
Kasunod nito ay dapat magpunta rin kaagad sa animal bite center para maturukan ng anti-rabies shot at huwag nang hintayin pa na maramdaman ang senyales at sintomas ng rabies.
Paliwanag ni Alcantara, may mga pagkakataon na hindi kaagad lumalabas ang sintomas ng rabies dahil sa tinatawag na "incubation period" ng virus na depende sa uri ng virus at parte ng katawan kung saan nakagat ang biktima.
Ang incubation period, maaari umanong tumagal ng dalawang araw hanggang 90 araw. Ang pinakamaigsi ay nasa apat na araw, at ang pinakamatagal ay may umaabot ng taon.
"Up to six years puwede nga mangyari 'yan kasi depende 'yan sa [parte ng katawan] kapag nakagat ka. Kung sa paa matagal ang travel time [ng virus]. Kapag nakagat ka sa mukha, mas mabilis kasi brain na agad 'yon," paliwanag ni Alcantara.
Bagaman nakamamatay ang rabies, puwede naman itong maiwasan kung maagapan. Kabilang na rito ang pagpapabakuna ng anti-rabies sa mga aso at pusa taon-taon, at magpaturok kaagad ng anti-rabies kapag nakagat.
Huwag ding hayaan na gumagala sa kung saan-saan ang mga alaga, o magkalkal sa mga basurahan dahil maaaring doon sila makakuha ng virus.-- FRJ, GMA Integrated News