Nagpakita ng kabutihang-loob ang isang babae sa Cebu nang mag-volunteer siya na maging ninang sa isang binibinyagang sanggol na hindi niya kilala. Ang kasama lang kasi ng baby sa simbahan, ang kaniyang ama't ina.

Sa programang “Good News,” ikinuwento ni Deetha Hoshi na mula sa Balamban, Cebu, na binyag ng kaniyang pamangkin noong March 17, nang mangyari ang insidente.

Wala sanang plano si Hoshi na pumunta sa simbahan sa binyag ng kaniyang pamangkin dahil abala siya sa paghahanda sa bahay. Pero dahil walang cellphone ang mga kaanak niya sa simbahan para kumuha ng mga larawan, nagpasya na siya na sumunod sa binyagan.

“So wala po akong plano pumunta sa simbahan kasi busy ako sa pag-prepare ng pagkain dito sa bahay. Naisip ko na wala silang cellphone, kaya pumunta ako agad sa simbahan kasi para maka-picture ako sa kanila,” sabi niya.

Sa simbahan, nakita nila ang mag-asawang Randy Rabago at Arlene Candol, na bibinyagan din ang anak nila na si Baby Reneboy. Pero napansin ni Hoshi na walang ibang kasamang bisita ang pamilya, kahit man lang ninong o ninang.

“Sa araw na po iyon, talagang naawa po kami sa bata na si Baby Rene Boy dahil kahit isang sponsor man lang, walang dumating,” sabi ni Hoshi.

Dahil dito, hindi siya nag-atubiling ipresenta ang sarili upang maging ninang ng bata kahit hindi niya ito kilala.

Matapos ang naturang tagpo, at dahil hindi niya kilala ang pamilya ni baby Reneboy, nag-post si Hoshi sa social media ng larawan ng mag-asawa at kaniyang inaanak para malaman kung saan nakatira ang mga ito--na napag-alaman na taga-Toledo City.

Ayon kina Randy at Arlene, wala sa isip nila na makakuha ng pakimkim o regalo, dahil ang tanging hangad nila ay mabinyagan si Baby Reneboy nang araw na iyon.

Nangangamba kasi sila na baka hindi payagan ng pari na binyagan si Baby Reneboy kung walang ninong o ninang na magsisilbing witness at pipirma sa pagbinyag sa bata.

Kaya laking pasasalamat nila kay Hoshi nang magboluntaryo itong maging ninang.

“Nagpapasalamat ako sa kanila sa pagtulong sa aking anak. Nagpapasalamat ako Panginoon na meron sila sa kanilang puso. Natuloy ang aking anak sa binyag,” sabi ni Arlene.

Napag-alaman na pangangahoy ang trabaho ni Randy, habang tagapag-alaga naman ng limang anak si Arlene.

Ayon kay Randy, dalawang katrabaho niya ang pinakiusapan niyang dumalo sa binyag pero hindi dumating dahil may trabaho.

“In principle kailangan talaga. Kasama ‘yan sa pananampalatayang Katolika na ‘yung merong mga ninong at ninang na tutulong sa mga magulang,” paliwanag ni Father Raul Caga.

Sinabi pa niya na bihira ang mga ganitong kaso na hindi sumisipot ang isang ninong o ninang. Gayunman, pinahihintulutan naman ang mga volunteer.

Sa pagbisita ni Hoshi sa bahay ng kaniyang inaanak na si Baby Reneboy, dinala niya ang printed at ipina-frame na mga larawan sa binyag ng bata.

Napag-alaman na maninirahan na rin sa Japan si Hoshi kasama ang asawang Hapon, pero nangako siyang patuloy na makikipag-ugnayan sa kaniyang inaanak.-- FRJ, GMA Integrated News
.


Ngunit nangako si Deetha na “mag-keep in touch” at gagampanan pa rin niya ang tungkulin bilang ninang.