Ibinahagi ng isang doktor na mayroon mga pagkain na hindi dapat isinasabay sa pag-inom ng ilang gamot dahil magdudulot ito ng masamang epekto o reaksyon sa katawan, o mawawalan ng bisa ang gamot. Alamin kung ano ang mga pagkain at gamot na ito?

Sa programang “Dapat Alam Mo!” ipinaliwanag ng general physician na si Dra. Janina Suzette Guillermo, na ang dairy products gaya ng keso at gatas ay “mismatch” sa ilang antibiotics para sa baga at daanan ng ihi, tulad ng Fluoroquinolones at Tetracyclines, o mas kilala bilang Ciprofloxacin at Levofloxacin.

“Hindi po puwedeng isabay sa mga rich in calcium katulad ng gatas, mantikilya kasi po hindi naa-absorb nang tama, nababawasan ang epekto ng gamot,” sabi ni Guillermo.

Ang mga “green leafy vegetables” naman na mayaman sa Vitamin A gaya ng broccoli, repolyo at pipino ay hindi tugma sa anticoagulants tulad ng Warfarin, na gamot para hindi mamuo ang dugo dahil isa itong Vitamin A antagonist.

Ang mga fiber-rich food naman tulad ng avocado, durian at beans ay “mismatch” sa gamot na Levothyroxine, na ginagamit kapag mababa ang produksiyon ng thyroid hormones.

“Kahit po kaunti. Recommended ‘yung Levothyroxine, dapat empty stomach,” sabi ni Guillermo.

Maaari lamang kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber dalawang oras matapos uminom ng Levothyroxine.

Ang mga softdrinks naman ay “mismatch” sa mga painkiller tulad ng Ibuprofen, Naproxen at Acetaminophen, dahil napapa-doble ng softdrinks ang epekto nito na nagreresulta sa overdose.

Ang mga prutas naman na sagana sa Vitamin C tulad ng suha ay may Furanocoumarins, na “mismatch” sa mga gamot sa cholesterol tulad ng Atorvastatin at Simvastatin.

Ayon kay Guillermo, napapatagal ng Furanocoumarins sa sistema ang Atorvastatin, na magreresulta sa muscle at liver injury.

Kaya para maging sigurado, ugaliin na magtanong sa mga doktor tungkol sa irereseta nitong gamot. -- FRJ, GMA Integrated News