Bata pa lang, hindi na umano nakadidinig ang 15-anyos na si Gian. Kaya ipinagdarasal ng kaniyang ina na dumating sana ang panahon na magkaroon ng himala na makadinig ang kaniyang anak. Hanggang sa nalaman nila ang tungkol sa isang grupo ng manghihilot na kaya raw magbalik ng pandinig ng mga bingi sa pamamagitan lang ng hilot, at namangha siya sa naging reaksyon ng binatilyo matapos mahilot.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," tila dininig nga ng langit ang panalangin ng ina ni Gian na si Edna, dahil matapos na hilutin sa bandang tenga at panga ang binatilyo, tila makarinig ito.

Sa video, sinabihan si Gian ng nanghilot sa kaniya na si Philip Reyes, na gayahin ang sinasabi niya, at ginaya naman siya ng binatilyo.

Makikita rin ang reaksyon ni Gian na nagulat nang tila madinig niya ang kaniyang sarili.

Si Edna, naniniwala na epektibo ang ginawang paghilot sa kaniyang anak.

Ayon kay Philip, batay sa impormasyon na nakuha niya bago ang paghilot, sinabihan siya na walang nadidinig noon si Gian kahit sigawan.

Napag-alaman na isa lang si Philip sa 25 manghihilot ng hearing alternative group na itinatag nina Joseph Salonga, Johnson Sy at Mariano Gomez na Healot Biomekaniks.

Ipinaliwanag ni Joseph na dating electrical engineer sa Saudi Arabia, na sadyang mahilig siyang magsaliksik noon tungkol sa hilot.

Ang ginagawa raw nila ngayon, hindi lang ang isaayos ang muscles sa katawan ng tao, kung hindi maging ang mechanics of movement nito.

Ang natutunan ni Joseph, dinala niya sa Pilipinas, hanggang sa maging kliyente niya sina Johnson at Mariano.

Kinalaunan, pinag-aralan na rin ng dalawa ang estilo ng panggagamot ni Joseph, at pagkalipas ng limang taon, naghilot na rin sila.

Hanggang sa itayo na nila ang kanilang grupo sa Dau, Pampanga, at ipinarehistro ito bilang negosyo sa Department of Trade and Industry.

Lisensiyado naman sila bilang mga hilot practitioner ng Philippine Institute of Traditional Alternative Health Care sa ilalim ng Department of Health.

Paliwanag ni Joseph, kadalasan na ang dislocation sa panga ang dahilan ng pagkawala ng pandinig na nasa 40 hanggang 50 porsiyento.

Sa pamamagitan ng alignment sa naturang dislocation, nagagawang mabigyan ng pandinig ang taong bingi. Pero paglilinaw ni Joseph, hindi naman nangangahulugan na 100 percent na maibabalik ang pandinig at depende rin ito sa kaso ng pasyente.

Libre umano noong una ang serbisyo ng grupo hanggang sa tumanggap na rin sila ng bayad, nagbabayad din sila ng buwis.

Ang bawat session, nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P3,500. At para patunayan na hindi sila nangraraket o nanloloko lang, mayroon silang "no hearing, no pay" policy.

Isa rin sa mga naging pasyente ng grupo ang binatilyo rin na si Francis Daep, na hindi umano nakakadinig mula nang ipanganak.

Ayon sa ama ni Francis, sinabihan sila na maaaring operahan ang kaniyang anak para magkaroon ng pandinig pero aabot sa mahigit P1 milyon ang gagastusin, halaga na wala sila.

Hanggang sa ipahilot nila si Francis at tila nagkaroon din ito ng bahagyang pandinig. Pero kailangan pa umanong sumalang ang binatilyo sa dalawa pang session.

Samantalang si Mariejoy Capinpin, nawalan naman ng pandinig noong 18-anyos siya nang operahan siya sa mukha dahil may bukol na kailangang alisin.

Naging mahirap umano kay Mariejoy ang kaniyang buhay dahil sa pagkawala ng pandinig. Kaya naman nagbakasakali rin siya sa grupo nina Joseph, at hindi naman siya nabigo nang bahagya na ring lumakas ang kaniyang pandinig.

Ngunit epektibo nga kaya ang hilot lang para makadinig ang mga bingi? Ipinasuri sina Gian at Francis sa espesyalistang duktor para alamin ang tunay na kondisyon ng kanilang mga pandinig.

Alamin ang resulta ng pagsusuri sa dalawa at ang pananaw ng duktor tungkol sa hilot. Panoorin ang video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News