Hindi man niya maigalaw ang kaniyang mga braso at mga paa, pinatunayan ng isang babaeng estudyante na hindi hadlang ang kaniyang kapansanan para makalikha ng magagandang obra na kaniyang iginuguhit gamit ang kaniyang bibig.
Sa programang Unang Hirit nitong Martes, ipinakilala si Daniela Fatima Crisostomo, na ayon sa kaniya ina na si Jean, ay mayroong kondisyon na tinatawag na arthrogryposis, o kawalan ng joint sa kaniyang mga braso at paa.
“Sinabi po sa akin na parang hindi nag-compare ‘yung genes ng tatay niya at sa akin,” sabi ni Mommy Jean.
Sa kabila nito, nag-aral at natuto si Daniela na magpinta sa pamamagitan ng panonood ng mga video sa YouTube.
Kaya ni Daniela na magpinta ng hanggang dalawang painting kada araw.
Pinakapaborito ni Daniela ang Girl with a Pearl Earring ni Johannes Vermeer.
Bago nito, nasubukan niya na rin ang charcoal drawing, sketching at lumaban na rin siya sa poster making sa kanilang paaralan.
Maliban sa pagpipinta, mahilig ding kumanta si Daniela.
“Gusto ko pong sabihin sa mga mayroon pong person with disability is 'wag ka pong susuko. Always be positive in life and always make yourself on top. Don't put yourself on the lowest because it will make you feel pity,” sabi ni Daniela.
Tunghayan sa video ang ginawang pagguhit ni Daniela kay "Arn-arn." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News