Isinara na ang kontrobersiyal na Captain's Peak Garden and Resort na itinayo sa Chocolate Hills sa Bohol matapos umani ng mga negatibong reaksyon sa netizens. Ang manager ng resort, iginiit na nakakuha sila ng kaukulang permit bago nila itinayo ang resort. At sa laki ng ginastos dito, umaasang hindi sila tuluyang ipapasara.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang paglalagay ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources-Bohol ng signage na nagsasaad ng temporary closure ng kontrobersiyal na resort.
Nakatayo ang resort sa Barangay Libertad Norte sa Sagbayan, Bohol, na pag-aari ni Edgar Buton, na isang kapitan ng barko.
Ayon sa kapatid ni Buton na si Julieta Sablas, at namamahala sa resort, nabigyan sila ng kaukulang permit mula sa mga kinauukulang ahensiya bago nila ito itinayo na may kasamang malaking swimming pool.
"Sa lahat po ng mga nag-comment na negative po sabihin ko sa inyo, salamat nag-trending ang Captain's Peak Resort. Ang sakit eh. Sasabihin ka na, 'Bakit giniba mo 'yung mga Chocolate Hills diyan sa Bohol?' Wala naman kaming giniba," paliwanag niya.
Taong 2005 nang mabili umano ng kaniyang kapatid ang anim na hektaryang lupain, na may kasamang tatlong burol o maliit na bundok. Tatlong hektarya nito ang pinagtayuan nila ng resort.
Hindi umano maganda ang kalidad ng lupa sa lugar kaya hindi maaaring pagtaniman.
Ayon kay Julieta, taong 2018 nang bigyan sila ng DENR-Protected Area Management Board ng permit para magtayo ng commercial area sa lugar. At sa sumunod na taon, nakakuha naman sila ng business permit mula sa lokal na pamahalaan ng Sagbayan.
Dahil dito, sinimulan na nilang itayo ang resort. At noong 2022, binuksan na nila ito sa publiko.
"Mayroon naman kami mga certificates po. We are allowed to build below the Chocolate Hills. Approved po sa kanila," sabi ni Julieta.
Noong nakaraang buwan lang ng Pebrero, idinaos pa sa resort ang swimming competition ng Bohol Provincial Meet 2024.
"Hindi ako nag-expect na may ganyang issue pala kasi pinayagan naman kami na mag-held du'n ng swimming competition," sabi ni Assistant Coach Dhelia Japos.
Ang mga residente na nais magbabad sa tubig dahil malayo sa dagat, sa resort din daw ang puntahan dahil mura ang entrance fee na nagkakahalaga ng P75 hanggang P110 ang bawat isa.
Noong Mayo 2023, kinilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang Chocolate Hills ng Bohol bilang first global geopark sa Pilipinas.
Sa pamamagitan naman ng Proclamation 1037, na inilabas ni dating pangulong Fidel Ramos noong 1997, idineklarang National Geological Monument and Protected Landscape ang Chocolate Hills.
"Before the proclamation dito sa mga areas na 'to as protected areas, may mga private owners na. Kahit mga private properties po siya, any development na i-introduce mo doon sa area, you really have to seek approval and clearance from the DENR," paliwanag ni Atty. Jiselle Rae Villamor.
Ayon sa Department of Tourism, may iba pang estruktura na itinayo sa Sagbayan at may campsite din sa Carmen.
Sabi ni Atty. Juan Miguel Cuna, DENR Undersecretary For Field Operations – Luzon, Visayas, and Environment, "We are actively addressing situations which are actually similar to this. There have been efforts made in Congress in formalizing the enforcement bureau within the agency."
Ayon sa Bohol-LGU, walang Environmental Compliance Certificate (ECC) ang Captain's Peak Garden and Resort at hindi accredited ng Department of Tourism.
Sinabi ni Usec. Cuna ng DENR na, "In September of 2023, the Provincial Environment Officer of Bohol found out that they had constructed without the ECC, they issued a notice of violation, including a request for them to stop their operations."
Hiniling umano ng resort sa PENRO na alisin na noon ang closure order dahil nag-apply na sila ng ECC pero hindi sila pinagbigyan ng PENRO.
Ngayon na lumilitaw ang sinasabing pagkukulang ng resort, ano ang posibleng mangyayari rito? Ayon kay Julie, hindi sila papayag na tuluyang maisara ang kanilang resort dahil sa laki ng ipinuhunan ng kaniyang kapatid. Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News