Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang Paraiso de June Quixote Ecofarm Resort, na mayroong 1,600 square meter na swimming pool na pinalilibutan ng mga cottage.
Ilan sa mga aktibidad na maaaring gawin dito ang pagsakay sa ATV, rope adventure, cable jeep, zipline at zipbike, at pagtawid sa nakalululang 160-meter skywalk hanging bridge na may tempered glass. Puwede rin dito ang crystal kayak, go-kart pedal at glamping.
Ang siyam na ektaryang eco-farm resort ay dugo’t pawis ng civil engineer na si Jun Ducat at ng kanyang misis na si Marisa.
Mula sa Maynila, laki sa hirap si Ducat na pangatlo sa pitong magkakapatid. Nagtatrabaho bilang airbrush painter ang kaniyang tatay habang plain housewife naman ang kaniyang nanay.
Dahil hirap ang kaniyang mga magulang na pag-aralin ang magkakapatid, nagsikap si Ducat hanggang sa makapagtapos siya ng civil engineering.
Nang makaranas na ng kaluwagan sa buhay, itinayo ni Ducat ang Musmos Daycare Center sa Parola sa Maynila. Dito, libre ang mga uniporme, sapatos at school supplies ng mga batang nag-aaral.
Kung minsan, may pa-feeding program pa si Ducat.
Pero noong umaga ng Marso 28, 2007, hinostage ni Ducat ang 32 batang estudyante at tatlong guro na sakay ng bus sa tapat ng Liwasang Bonifacio.
“Noong nagkaroon kami ng graduation, nakita ko sa mga magulang at mga estudyante ang intensyon nilang makatapos. Ang karamihang daing ng mga magulang o mga bata, walang pang-almusal, walang damit. Kinakailangan siguro dagundungin ko sa pamamagitan ng isang marahas na pamamaraan,” paliwanag ni Ducat kung bakit niya ginawa ang mang-hostage.
“Kung mayroong edukasyon, ang mga kabataan, magkakaroon sila ng disiplina! Hindi sila magiging adik! Hindi magiging lasinggero! Naiintindihan niyo ba ako?” sigaw noon ni Ducat sa isang loudspeaker.
Kasama noon ni Ducat ang isa pang lalaki na si Odgie Carbonell.
Umabot ng gabi ang hostage drama bago sumuko sina Ducat at Carbonell. Habang bumababa noon ang mga bata mula sa bus, nagmamano pa ang mga ito sa kaniya.
Nanawagan noon si Ducat ng edukasyon para sa mga bata. Pangalawa ang livelihood at pabahay.
Dinala sina Ducat at Carbonell sa Manila Police District at sinampahan ng patong-patong na mga kaso tulad ng serious illegal detention, illegal possession of firearms and explosives, at child abuse.
Bagaman may baril silang dala, sinabi ni Carbonell, na hindi ito itinutok sa mga pulis o maging sa mga bata.
Sa kabila ng nangyari, humingi si Ducat ng paumanhin sa kaniyang marahas na paraan na ginawa upang maipahayag ang kakulangan ng pamahalaan sa mga maliliit.
Matapos ang mahigit isang taon na magkakadetine, nakalaya sina Ducat at Carbonell dahil hindi nagsampa ng kaso ang mga magulang ng mga bata at guro na kanilang binihag.
Hanggang ngayon, nakakausap pa ni Ducat ang ilan sa kanila. Kahit nakaramdam sila noon ng galit, mas nangibabaw ang paggalang at ipinakitang malasakit sa kanila ni Ducat.
Dahil sa insidente, malaki ang nawala sa kabuhayan ni Ducat. Muli siyang nagsimula at nagtayo ng sarili niyang construction company.
Sa kaniyang pagsusumikap, naipundar nina Ducat at kaniyang asawa ang eco farm resort nila ngayon sa Cavite.
Tunghayan ang buong episode ng KMJS ang muling pagkikita nina Ducat, at mga magulang at ang mga batang estudyante noon na kaniyang binihag, na mga dalaga't binata na ngayon. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News