Bida sa laki ang mga giant freshwater shrimp o "ulang" na nahuhuli sa ilog ng San Simon, Pampanga. Bagaman kailangan ang tiyaga para ito mahuli, panalo naman sa linamnam kapag inulam.
Sa programang “I Juander,” sinabing hindi madalas na makikita sa mga palengke ang naturang uri ng hipon dahil madalang itong mahuli.
Ang mangingisdang si Danilo Mercado, 6 a.m. pa lang ay binabaybay na ang mga ilog ng Pampanga para manghuli ng ulang.
Maituturing na “jackpot” kapag nakahanap ng mga ulang dahil may kataasan ang presyo nito at nakadepende sa lagay ng panahon.
Dahil sa panghuhuli at pagbebenta ng ulang, nakabili na si Mercado ng sarili niyang bangka, na sumusuporta na rin sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Kumpara sa mga karaniwang hipon na nakikita sa mga palengke maliliit, ang ulang, kayang lumaki ng hanggang 12 pulgada at kulay asul ang balat.
Ayon kay Mercado, dapat maglaan ng pasensiya sa paghihintay sa paghuli sa ulang at hindi uubra ang pagiging mainipin.
Ang mga nahuling ulang ni Mercado, ibinenta niya sa kaniyang suki na si Wilma, na kaniya namang lulutuin para iulam.
At ang masarap daw na luto sa ulang, ang sinigang sa kamias. Tunghayan sa video na ito kung papaano ang pagluto ng sinigang na ulang sa kamias, at kung papaano ito hinuhuli. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News