Laging napapansin ang pagiging magkamukha ng dalawang driver sa Davao kahit na magkaiba ang kinalakihan nilang pamilya. Kaya naman nabuo ang haka-haka na posibleng magkapatid ang dalawa lalo pa't lumilitaw na pareho pala silang iniwan ng kanilang ina.

Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala sina Rommel Ian Perfecio at Pee Novo “Bobong” Lagana, na parehong nagtatrabaho bilang driver sa isang sangay ng gobyerno pero nasa magkaibang lugar.

Si Ian, sanggol pa lamang nang iuwi ng kasambahay na si Violeta sa kanilang bayan sa Monte Vista, Davao de Oro noong dekada 80.

“Ang sabi naman ng nanay ko daw doon, hindi daw sa kaniya ‘yung bata na ‘yun. Anak daw ‘yun ng amo niya na pinaalagaan lang sa kaniya,” pag-alaala ni Ian.

Sa ina ni Violeta iniwan ang sanggol noon na si Ian. Ngunit pagtapak nito ng walong buwan, binawi siya ng nagpakilalang kaniyang tunay na ama na si Isaias, ang amo ni Violeta.

Kalaunan, nabunyag ang katotohanan na tunay palang ina ni Ian si Violeta, habang ang kaniyang ama na si Isaias ay pamilyado na pala.

Magmula noon, ang mga kapatid na lang ni Isaias na mga tiyahin ni Ian ang nagpalaki sa kaniya.

Inilihim ang tunay na pagkatao ni Ian, at ipinakilala siyang anak ng kaniyang Lolo Efren at Lola Casimera.

Pagsapit niya ng ika-pitong taong gulang, tinangka siyang bawiin ng inang si Violeta.

“Gusto niya akong dalhin, tapos ayaw naman ang lola ko at saka ‘yung lolo ko. Hindi papayag kasi daw, baka iiwan lang din daw ako kung saan-saan. Pinapili man ako noon kung sasama ba ako o hindi. Hindi man ako sumama kasi hindi ko siya kilala noon,” sabi ni Ian.

Matapos niya itong makita ng huling beses, tanging alaala niya na lamang dito ang isang lumang litrato kung saan naroon ang kaniyang ina.

“Noong una po, galit ako sa kaniya, hindi ko matanggap na ganu’n. Bakit niya kami iniwan? ‘Yun nga sana ang itatanong ko kung sakaling magkita kami,” sabi ni Ian.

Hanggang sa madestino si Ian bilang driver sa Department of Public Works and Highways sa Davao del Norte.

Dito niya nakilala ang driver din na nakadestino naman sa DPWH sa kalapit na probinsya ng Davao de Oro na si Bobong.

Sa kanilang mga pagkikita, laging napapansin ang kanilang pagkakahawig.

“Three times kami nagkita pero parang malapit na rin ‘yung loob ko sa kaniya. Parang sa tingin ko, mabait naman itong tao na ito,” sabi ni Ian.

Si Bobong naman, lumaki sa Monte Vista, Davao de Oro na gaya ni Ian, hindi rin siya pinalad na makilala ang tunay na ina.

“Simula nu’ng hinatid ako sa bahay, hindi na ako nagpakita ‘yung nanay ko sa amin. ‘Di na po ako alam kung saan pong tatay ko,” sabi ni Bobong.

Ayon naman sa tiyuhin ni Bobong na si Carlito Alba, na pagkamatay ng ina nito, nanirahan na si Bobong sa kaniyang bahay at siya na ang nagpaaral dito ng isang taon.

Kalaunan, bumuo na ng sariling pamilya si Bobong.

Hanggang sa maintriga rin si Bobong sa sinasabi ng kanilang mga katrabaho na kamukha niya ang kapwa driver na si Ian.

Hanggang sa magtagpo na ang kanilang landas.

“‘Para kayong twins’ kasi magkasinglaki rin daw kami,” sabi ni Bobong tungkol sa biro ng mga katrabaho nila ni Ian.

Sa isang conference noong Agosto 2022 na dinaluhan ng kanilang mga amo, nagkausap sina Ian at Bobong hanggang sa parking lot.

Natuklasan ni Ian na uuwi si Bobong ng Monte Vista, kung saan naroon ang kaniyang ina na hindi niya nakita.

Ngunit ikinagulat ng dalawa na magkapareho ng pangalan at apelyido ang kanilang ina na si Violeta Pancho.

Nagkasundo silang ipakita sa isa’t isa ang mga larawan ng kanilang mga ina upang makumpirma kung magkapatid nga sila.

Nang makita ang mga ito ni Carlito, kinumpirma niyang si Violeta na kaniyang kapatid ang parehong nasa larawan nina Ian at Bobong, at doon na nagkumpirma na magkapatid nga ang dalawang driver.

“Masaya na meron akong iisang kapatid,” sabi ni Bobong.

“Hindi na pala ako mag-isa, dalawa na pala kaming iniwan,” sabi naman ni Ian.

Matapos luminaw ang lahat, ipinakilala nina Ian at Bobong ang kani-kanilang pamilya sa isa’t isa.

Matapos magkakilala at makumpirmang magkapatid sila, mahanap pa kaya nina Ian at Bobong ang ina nilang si Violeta na posible raw na nasa Bukidnon? Tunghayan ang buong kuwento sa episode na ito ng “KMJS.” -- FRJ, GMA Integrated