Walang tigil sa pagluha ang isang 30-anyos na guro mula Sarangani habang isa-isa niyang tinutupi ang kaniyang mga uniporme sa pagtuturo.
Sa likod ng kaniyang malalim na kalungkutan ang isang mahalagang desisyon tungkol sa kaniyang propesyon.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala ang gurong si Rich Gonzales, na pangarap nang maging isang guro noong bata pa lamang siya.
“Ever since nu’ng bata kasi ako, ginagawa akong little teacher ng teacher ko. So ang saya on your part na, okay ganito pala ‘yung feeling ‘pag magtuturo, maka-impart ka somehow,” sabi ni Gonzales.
Gayunman, tila naging pagsubok na agad sa kaniya ang unang taon niya sa pagtuturo matapos madestino sa isang remote area sa kanilang lugar.
Mga estudyante sa elementarya ang kaniyang tinuturuan.
“In a day, nagta-travel kami ng four to five hours. Two hours via habal-habal and let’s say, mga three to four hours na lalakarin pa namin para maabot ‘yung lugar. Mga kakulangan, medyo marami talaga when it comes to classroom,” kuwento ni Gonzales.
Ngunit hindi sumuko si Gonzales nang maramdaman niya kung gaano siya kakailangan ng kaniyang mga estudyante na tinuturuan niya sa lugar.
“Doon ko [naisip] na, ‘Hay kailangan ka ng lipunan. As teacher, kailangan ‘yung serbisyo mo,” anang guro.
Pagkaraan ng dalawang taon, nalipat na siya sa paaralan na mas malapit sa kanila.
“Pinaka-best part siyempre ‘yung kasama mo ‘yung mga bata, ‘yung mga estudyante. ‘Yung feeling ng fulfillment mo na nakakapagturo ka, nakakapag-impart ka,” sabi ni Gonzales.
Masaya man sa kaniyang trabaho na matagal niyang pinangarap at pinaghirapan, dumating sa puntong kailangang gumawa ni Gonzales ng isang malaking desisyon.
“‘Pag nasa maturity age na siguro, minsan talaga is hindi na lang ‘yung pangarap. Kung paano ka makapag-sustain sa araw-araw na pangangailangan? Kasi may pamilya ka na eh. ‘Kakayanin ba?’” sabi niya.
Matapos ang walong taong pagtuturo, nag-resign si Gonzales sa kaniyang pinakamamahal na trabaho.
Pinakamasakit na parte ng kaniyang pagre-resign ang pamamaalam sa kaniyang mga estudyante na napamahal na nang sobra sa kaniya.
“Nakakalungkot. Kasi, bilang isang guro, kumbaga walong taon, ‘yun ‘yung naging buhay ko sa loob ng walong taon. Mami-miss mo talaga,” sabi niya.
Ito ang rason kung bakit hindi niya mapigilang maluha habang tinutupi ang kaniyang mga uniporme sa pagtuturo.
“Habang tinutupi, habang nire-reminisce ko ‘yung time ko sa uniform ko, nagpa-flashback sa akin lahat. ‘Yung experience ko na kung paano ako naging teacher, napakahirap siya i-let go. Pero sabi ko, hindi ako magle-let go, hindi dahil hindi ko na gusto ‘yung trabaho ko kundi may naging mas mabigat akong responsibilidad.”
Sa kasalukuyan, abala si Gonzales sa negosyo nila ng kaniyang asawa.
“Sinimulan po talaga ito ng husband ko and ‘yung time na lumalago na siya, kailangan ko siyang tulungan,” sabi ng ginang.
“‘Yung mag-teacher kasi likas na hardworking. So nararapat lang siguro na, kumbaga, kung ano ‘yung mga pangangailangan nila is, kayang i-sustain ng kanilang propesyon,” sabi ni Gonzales tungkol sa kaniyang pangarap sa mga kapwa guro. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News