Isang tulay ang binabansagan ngayong “AFAM Bridge” sa Siargao dahil puntahan ito ng mga dayuhang turista na gustong maglibang at mag-foot trip. Bukod sa sunset watching, saksi rin ang tulay sa pag-usbong ng pagmamahalan ng ilang Pilipino at mga dayuhan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing dinadagsa ng mga turista ang Catangnan Bridge na binansagan na ring AFAM bridge, pagsapit ng 5 p.m., kasabay ng pagbubukas ng mga food stall.
Sa tulay na rin nag-i-skating ang ilang dayuhan, kasabay ng panonood ng magandang view sa paglubog ng araw.
Ginawa noong 2016 at natapos ang tulay noong 2021, na may haba na 348 metro, ayon sa Municipal Tourism Office – General Luna.
BASAHIN: Babae mula sa Poland, piniling mamuhay ng simple sa probinsya kasama ang Pinoy na asawa
BASAHIN: Sugatang puso ng babaeng mula sa England, naghilom nang makilala ang isang Pinoy sa Siargao
Isa si Manilyn Congreso, 34-anyos at tubong Siargao, ang mahilig tumambay sa Catangnan Bridge.
Pero edad 18 siya noon nang magtrabaho sa Maynila at nakilala ang isang Amerikano na bumihag sa kaniyang puso. Nagkaroon sila ng anak, hanggang sa nadiskubre niyang may asawa pala ito sa Thailand.
Magmula noon, mag-isa niyang itinaguyod ang kanilang anak sa Siargao, Dito naman niya nakilala ang isa ring AFAM na inakala niyang gagamot na sa sugatan niyang puso.
“One week kami sa Cebu nagsama, bumalik na siya sa Florida. Siya ‘yung nagsu-support sa anak ko. Hindi ko alam kung babalik ba siya. Dami niyang dahilan,” sabi ni Manilyn.
Sa ikatlong pagkakataon, muling umibig sa foreigner mula naman sa Australia si Manilyn.
Isang linggong namalagi ang Australyano sa Siargao, at nagkaroon din sila ng isang anak, na naging pangalawang anak ni Manilyn.
Pero nauwi rin muli sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Sa ikaapat na pagkakataon, umibig na naman si Manilyn sa isang binatang Swedish, na humantong din sa breakup.
Pero sadya yatang lapitin ng AFAM si Manilyn dahil isang Australyano muli ang nagkagusto sa kaniya-- si Blake Chesham.
Ngunit nagkaroon siya ng mga agam-agam kay Blake dahil isang linggo lang itong namalagi sa Siargao at bumalik na rin sa Australia noong Enero.
Samantala, tambay din sa tulay ang surfing instructor na si Merlan Gubaton, na ma-appeal daw sa mga foreigner.
Umamin ni Merlan na isa siyang “chickboy,” pero nagbago nang makilala niya ang taga-Netherlands na si Imke Cauz.
“He is always smiling, very nice,” sabi ni Imke.
“Unang tingin ko barkada lang kasi hindi naman talaga kami nagtingin na maayos,” sabi ni Merlan.
Mula sa pagkahilig nila sa surfing, nagtagpo na rin ang kanilang mga puso.
“Masarap kasama. Nakakatawa lang kasi palaging naka-smile, walang problema,” sabi ni Merlan.
“He’s my first boyfriend. I feel really safe with him. He's really sweet, very caring of me. We always have a good laugh,” sabi ni Imke.
Gayunman, umuwi na sa kanilang bansa si Imke noong weekend.
Ngunit pangako ni Imke, “I promise that I will come back in June.”
Si Manilyn naman, napag-alaman na hindi lang isang linggong pag-ibig ang hangad sa kaniya ni Blake.
Dahil kahit nasa Australia ang dayuhan, patuloy pa rin ang kanilang komunikasyon.
Katunayan, may sorpresa pa si Blake para kay Manilyn nang makunan ng video ang kanilang pag-uusap. At kahit LDR lang muna sila ngayon, may pinaplano na si Blake para sa kanilang road to forever. Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News