Swak sa banga ang litsong manok ng isang negosyante sa Los Baños, Laguna dahil sa kakaibang paraan niya ng pagluluto nito. Ang manok, iniihaw niya sa loob ng banga.

Sa programang “I Juander,” ikinuwento ng negosyanteng si Fernando Cariño, na dati siyang salesman, na pinasok ang pagtitinda ng mga kakanin, hanggang sa makarating sa pagtitinda ng litsong manok.

Pero ginawa niyang kakaiba ang kaniyang litsong manok dahil sa loob ng banga niya ito niluluto.

“Naisip ko itong banga or dulay sa Bicol, ang usual kasing pinag-litsunan nila is ‘yung bed type kagaya ng barbecue, mayroong baga ‘yung pit. Nakahiga ‘yung mga iniihaw doon, ‘yung lechon," ayon kay Cariño.

Sa tradisyunal na paraan ng pagli-litson, nasusunog umano ang balat ng manok dahil sa pumatak ang mantika nito sa baga na nagpapaningas sa apoy.

Ang sistema ng litsong sa banga, nakasabit ang mga manok sa gilid at may baga sa ilalim na hindi napapatakan ng mantika ng manok.

Tubong Bicol si Cariño kung saan karaniwan daw nilang ginagamit sa probinsya ang banga o “dulay.” May bersiyon din ito ng "tapayan" na kanilang imbakan ng tubig na kanilang iniinom.

Malamig umano ang tubig sa tapayan dahil sa cooling effect ng materyales sa paggawa banga, na maganda rin ang epekto sa pagluluto ng litson.

Kahit tinatakpan ang banga, hindi umano sunog ang manok na nagiging “pinkish” ang kulay at mas tender, na gusto ng kanilang mga kostumer.

Tunghayan sa video ng "I Juander" ang paraan ni Cariño kung paano nila tinitimplahan at nililitson ang mga manok sa mga banga. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News