Sa nakalipas na mga buwan, sunod-sunod na insidente ng mga bagong silang na sanggol ang iniiwan sa kung saan-saang lugar. Ang ilan sa kanila, masuwerteng nakakaligtas gaya ng sanggol na inabandona sa damuhan sa Bulacan habang nakasilid sa ecobag.
Sa isang episode ng "Reporter's Notebook," isang grupo ng kabataan ang nangilabot nang makarinig sila ng iyak ng sanggol na nanggagaling sa isang ecobag na nasa damuhan sa San Jose de Monte, Bulacan.
Sa kuha sa cellphone video, makikita ang pag-aalinlangan ng mga kabataan na hawakan ang ecobag nang makumpirma nila na may sanggol nga sa loob nito.
Ayon kay Elena Joy Celis, punong barangay, humingi ng tulong ang mga kabataan sa nakita nilang nakatatanda sa lugar.
Bagong silang ang sanggol at hindi pa napuputol ang pusod nito. Makaraang i-report sa barangay ang nakitang sanggol, dinala ang sanggol sa city social welfare development, at pagkatapos ay dinala na sa pagamutan.
Tumagal umano ng isang linggo sa pagamutan ang sanggol para matiyak na magiging maayos ang kaniyang kalusugan.
Masuwerteng nakaligtas ang sanggol at nasa pangangalaga ngayon ng isang childcare facility. Kung sakaling hindi na matutunton ang kaniyang mga magulang, ihahanap na pamilyang puwedeng umampon sa bata.
"Karapatan ng bata na mayroon sila ng sariling family," ayon kay Michelle Gormley, executive director ng child caring facility.
Hirap na malaman ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan sa sanggol sa damuhan at kung sino ang kaniyang ina.
Wala rin kasing CCTV camera sa lugar kung saan iniwan ang sanggol.
Pero hindi gaya sa kaso ng sanggol na ito sa damuhan, ang bagong silang na sanggol na iniwan sa CR ng isang gas station sa Quezon City, at nilagyan pa ng busal para hindi madinig ang kaniyang pag-iyak, natunton ng pulisya kung sino ang ina.
Kaya naman inaresto ang ina at kaniyang mga magulang. Alamin ang posibleng kaso na kanilang kakaharapin at ano na ang kalagayan ngayon ng sanggol? Panoorin sa video ang buong report. --FRJ, GMA Integrated News