Sa panahon ngayon, ilang mga Pilipino ang pinipili na maging single o huwag munang magpakasa. Ano nga ba ang kanilang dahilan at puwede nga bang maging masaya kahit mag-isa?

Sa “Relationship Status: Single” na dokumentaryo ni Atom Araullo, ipinakilala si Shirleen Velasco, 28-anyos na enterpreneur, at “no boyfriend since birth” o “NBSB.”

Sinimulan ni Velasco ang negosyo niyang ribbon printing noong 2020 sa puhunang P6,000. Ngayon, kumikita na ang kaniyang kumpanya ng six figures kada buwan.

Bilang isang single, nakararamdam ng pressure si Velasco na maghanap ng nobyo o mapapangasawa mula sa mga kakilala.

“‘Pag mga family gatherings, nagtatanong sila, ‘Uy, ba't wala ka pa pinapakilala?’ Kasi ‘yung age medyo marrying age na eh. ‘Yung mga tropa ko, ‘pag magkikita-kita kami, ako lang ‘yung walang anak eh,” sabi ni Velasco.

“So, every time tinatanong nila ako ganu’n, binabalik ko sa kanila. Like, ikaw papipiliin kita: Pera o jowa? Ano’ng pipiliin niyo, sir? So most of them, they were telling me na ‘Pera na lang.’ Same sentiments, pera din ko ‘yung pipiliin ko, for now,” dagdag ni Velasco.

Tingin ni Velasco, “toxic behavior” na ng ilang tao kapag inaasahan nilang dapat humanap o may kasamang karelasyon ang isang tao.

“Usually ang mga nagsasabi sa akin niyan, medyo thunders (nakatatanda) na, medyo may mga edad na. Ang idea nila of womanhood is maging mommy ka, mag-asawa ka, etc. Parang in-insert nila sa akin ‘yung ganu’ng stereotype. Pero 2024 na tayo, may sarili na akong definition of womanhood. And for me, that is success, happy. Tapos contented ako na mag-isa lang ako,” sabi ni Velasco.

Si Dr. Juan Antonio Perez, dating Executive Director ng Commission on Population and Development, may napapansin ngayon tungkol sa mga tao pagdating sa kanilang pamumuhay

“Sa palagay ko, people are more comfortable with being single, having families without marriage, or having relationships na not leading to a marriage and then maybe moving on. Majority ng families are families in union, ang tawag namin doon, hindi kasal. And that's a trend that has come about because of the economic pressures,” paliwanag niya.

Sa kabila ng mga datos na mas matanda na ang marami kung magpakasal, may iba naman makipagrelasyon at nag-aasawa nang maaga o bata pa.

Edad 20 si Third Macapagal nang pakasalan niya ang kaniyang childhood sweetheart na si Robie Revis-Macapagal, na 19 noon.

“Hindi naman na po tutol ‘yung both parents namin, kaya nag-decide na rin po kaming magpakasal,” sabi ni Robie.

“Kasi mahal ko naman po siya. Tapos lalo na po noong nagka-anak kami, mas lalo pong lumago ang pagmamahal ko sa kaniya, mas tumibay,” sabi ni Third.

Apat na taon na silang kasal, ngunit 10 taon nang magkarelasyon.

Kinikilig pa rin sina Third at Robie sa isa’t isa.

“‘Yung saya po, contentment,” sabi ni Robie tungkol sa kanilang pagsasama.

“Advantage po [ng maagang pagpapakasal] siguro is, hindi niyo mami-miss ‘yung isa't isa, lagi na kayong magkasama. Disadvantage naman po na nakikita ko is kapag hindi po financially stable, medyo mahirapan po siguro,” sabi ni Robie.

Kung muling bibigyan ng pagkakataon, magpapakasal pa rin sina Third at Robie.

“Kahit sa next life, ganu’n pa rin po ‘yung desisyon ko," sabi ni Robie.

Sa isang bahagi ng programa, sinabing batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, mayroong 34.2 milyong Pinoy ang single sa bansa.

Kasama umano sa bilang ang hindi nakapag-asawa, hindi pa ikinakasal, at mga may relasyon naman pero hindi rin kasal.

Kaya naman may tanong kung puwede bang maging masaya kahit mag-isa lang? Tunghayan sa video ang sagot mismo ni Atom, at ang ginawa niyang pag-date sa kaniyang sarili. Naging masaya kaya siya? Panoorin.

 

-- FRJ, GMA Integrated News