Sa kaniyang paglilibot sa iba't ibang bansa sa Southeast Asia, napako ang atensyon ng British national na si Serenity Tanner sa ganda ng Siargao at kabaitan ng mga tao sa isla. Dito rin pala niya makikilala ang lalaking muling magpapasaya sa sugatan niyang puso.

Sa programang "Good News, ikinuwento ni Serenity na sadyang hilig niyang mamasyal para tuklasin ang kultura at ganda ng iba't ibang bansa.

BASAHIN: Babae mula sa Poland, piniling mamuhay ng simple sa probinsya kasama ang Pinoy na asawa

Pero ang nakaraan niyang paglilibot sa Southeast Asia, paraan para makapag-relax siya at magkaroon ng panahon sa sarili matapos makipaghiwalay sa kaniyang dating nobyo.

"I knew I wanted to go away and travel and see the world and get some time to myself. To heal and move on and progress everything that happened," ayon sa dalaga.

Hanggang sa makarating siya sa Siargao noong Abril 2023. Bukod sa ganda ng lugar, nagustuhan din ni Serenity ang kabaitan ng mga tao sa isla.

"I just love the island, I love the vibe, the people," ani Serenity, at nakilala na ang surf instructor na si Melvin Malinao, na magiging dahilan para hindi na siya bumalik sa England.

"Sobrang maganda. Feeling ko parang nananaginip lang ako," patungkol ni Melvin kay Serenity.

Dahil madalas magkasama sa dagat, nagsimula ang dalawa bilang magkaibigan na nagkakausap, at nagkukulitan.

Ayon kay Melvin, mula nang makilala niya si Serenity, laging excited siyang gumising para makita at makasama ang dalaga.

Sabi naman ni Serenity, "There's a little bit of feelings there, but we're mainly just friends. We just clicked really well, we got along really well."

Pero ang umuusbong na magandang pagtitinginan, naunsiyami nang umalis ng Pilipinas si Serenity para bumiyahe naman sa Japan at Bangkok, Thailand.

Nang mawala si Serenity, sinabi ni Melvin na halos isang linggo siyang nawalan ng lakas at hinahanap-hanap niya ang dalaga.

Kahit si Serenity, aminado na may kakaibang naramdaman nang malayo siya kay Melvin.

"Obviously, me and Melvin ended up getting along better than I thought and this feelings developed very quick than I thought," saad niya.

Isang linggo matapos umalis ng Siargao, sinabi ni Serenity na nagkakausap sila sa cellphone araw-araw na tumatagal na apat hanggang limang oras.

Ang resulta, bumalik si Serenity sa Siargao para makasama niyang muli si Melvin.

"I was like, I can't leave now, we've fallen in love. I don't wanna go back to England. I'm just gonna stay here for as long as i can," masaya niyang sabi.

Kapag kasama niya si Melvin, sinabi ni Serenity na nakakaramdam siya ng kapanatagan, good energy at lagi siyang masaya.

Sa kabila ng kanilang masayang relasyon, hindi rin nawawala ang mga pumupuna. Pero ang mas mahalaga para kina Serenity at Melvin, ang sasabihin ng kani-kanilang pamilya.

Hanggang sa kamakailan lang, pumunta ng Pilipinas ang ama ni Serenity para alamin ang kaniyang kalagayan. Makuha kaya niya ang basbas ng kaniyang ama matapos nitong makilala nang personal si Melvin? Alamin ang buong kuwento sa video ng "Good News." -- FRJ, GMA Integrated News