Labis ang tuwa at naging aemosyonal ng mga deboto sa isang simbahan sa Floridablanca, Pampanga, matapos na makita sa internet at maibalik na sa kanilang bayan ang imahe ng Santo Niño na tatlong dekada nang nawawala matapos na nakawin.

Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inihayag ng ilang taga-Floridablanca ang lungkot nang mawala ang tinatawag nilang Apong Señor Santo Niño de San Jose of Floridablanca.

Taong 1867 pa inukit ang naturang Santo Niño, may taas na 20 pulgada, gawa sa kahoy at may suot na korona.

Ka-partner ng Santo Niño ang imahen ni San Jose na tila magkahawak at magkatabing naka-display sa altar ng simbahan.

Taong 1991 nang huling nakita ng caretaker ng simbahan ng St. Joseph the Worker na si Arnel Malit David ang naturang Santo Niño.

Dinakip pa noon si David at naging suspek dahil siya ang unang nakaalam na nawawala ang imahe ng Santo Niño. Pero kinalaunan, naabsuwelto rin siya.

Ayon kay David, nakaplano ang pagnanakaw sa Santo Niño ng apat na lalaking hindi taga-Floridablanca. Dagdag niya, sadyang maraming nangunguha ng mga antigong imahen noong taong iyon.

Posible rin daw na kinuha ng ibang sekta ang Santo Niño  para sirain.

Upang maibsan ang kanilang pangungulila, nagpagawa ang parokya ng replica ng Santo Niño. Gayunman, napansin nila na hindi ito katulad ng nawawalang Santo Niño pagdating sa tama ng mata ng imahe sa mata naman ni San Jose.

Hanggang sa makita ni Josiah Duke Dondoyano, na deboto rin ni San Jose, ang isang antigong imahen ng Santo Niño habang tumitingin siya online.

Agad itong itinawag ni Duke sa kaniyang dating guro na si Albert Foronda, na deboto rin ng simbahan.

“Noong sinend niya ‘yung photo, iba ‘yung pakiramdam. As in talagang parang divine intervention siya,” sabi ni Foronda.

Gayunman, duda sila tungkol sa nakitang imahen kaya humingi sila ng close-up photos upang silipin ang kanilang palatandaan sa orihinal na Santo Niño.

Ayon kay David, isa sa mga palatandaan ay ang butas nito kung saan ipapasok ang screw para mag-lock kapag ipinapatong sa base.

Pagkapadala nila ng mensahe sa picker na may hawak sa ng Santo Niño, nagpaliwanag ito na hindi nila ninakaw ang imahen, kundi ipinamana lang ito sa kaniya.

Bumiyahe pa-Maynila si Foronda mula Pampanga, para sunduin ang imahen.

“Parang it's a dream. Noong nagtama ang mata ng Niño saka ako, as in talagang humagulgol talaga ako eh. Ang sinasabi ko sa kaniya kasi during the day, 80% sure ako na siya ang Apong Niño namin. Pero noong nakita ko siya, ‘yung mata niya at saka ‘yung mata ko nagtama, I am 100% sure na siya ‘yun,” sabi ni Foronda.

Pumayag naman ang picker na ibalik ang imahen sa Floridablanca, sa kondisyong babayaran nila ito. Masuwerteng ang kapatid ni Foronda na si Dr. Paul Foronda ang galanteng sumagot sa pambayad.

“Actually, maraming matatanda kasi dito sa Floridablanca na kapag nakikita siya, sinasabi nila, siya ‘yan. Deep within here, in their hearts, talagang sinasabi ng mga matatanda na siya ‘yung nawawalang Niño,” sabi ni Foronda.

Nang sukatin, tumugma ang sukat ng taas ng Santo Niño na 20 pulgada.

Sa unang araw ng nobena para sa kapistahan ni Santo Niño, nakauwi na sa tunay niyang tahanan ang Apong Señor Santo Niño de San Jose ng Floridablanca matapos ang mahigit tatlong dekada.

Tugmang-tugma rin nang ipinagtabi nila ang imahen ng Batang Jesus sa imahen ni San Jose, maging ang sukat, porma at tingin nila sa isa't isa.

Pareho rin sila ng mga “X” na nakaukit sa kanilang mga damit, at maging ang kanilang mga buhok.

Nakatakdang isagawa ang restoration para sa orihinal na imahen ng Apong Señor Santo Niño de San Jose ng Floridablanca, at magsasagawa ng engrandeng selebrasyon sa kapistahan ng bayan sa Mayo 1 bilang tanda ng pagbabalik nito.-- FRJ, GMA Integrated News