Labis na nandiri ang isang kostumer nang makita niya ang mga gumagalaw na uod sa kinakain niyang ulam na isda na binili niya sa isang karinderya sa Valenzuela City. Ang isa namang binatilyo, nasubo ang isang ipis na nakahalo naman umano sa rice meal na binili niya sa isang food stall sa Lipa, Batangas. Bakit nangyayari ang ganitong insidente?
Sa isang ulat ng “Reporter’s Notebook,” isinalaysay ni Miles Fernandez na Enero 18 nang bumili siya ng lutong-ulam na paksiw na bangus mula sa isang karinderya.
Habang kinakain niya ang paksiw na bangus, napansin niya na may gumagalaw-galaw na bagay dito. At nang suriin, laking gulat niya na nang makita ang mga uod na buhay na nakasiksik sa isda.
“Mahigit kalahati na po ‘yung nakain po. Tapos noong napatingin ako sa tiyan, ‘Shucks,’ sabi ko ‘Bakit may gumagalaw? Ang daming gumagalaw.’ Tapos nilawa ko ngayon ‘yung kinain po. Nakita ko po talaga ‘yung mga uod,” sabi ni Fernandez.
Dahil dito, tinawagan ni Fernandez ang karinderya kung saan niya nabili ang pagkain. Nangako naman ang karinderya na sasagutin ang gastos kung may mangyari sa kaniya.
Iniulat din ni Fernandez sa barangay ang pangyayari.
Nang makapanayam ng Reporter’s Notebook ang may-ari ng karinderiyang inireklamo ni Fernandez, dumepensa itong hindi nalinis nang mabuti ang isda at baguhan ang kanilang helper.
Ikinonsulta rin namin sa isang food expert kung ano ang posibleng dahilan kung bakit may mga uod sa isdang nabili at nakain ni Miles.
“Karaniwan ‘yung mga maliliit na uod na nakikita natin sa pagkain na parang maliliit na bigas, sila ay galing sa langaw. So ito ‘yung maggots or larva sa mga napisang itlog ng langaw. Ito ‘yung mga nadapuan,” sabi ng food safety expert na si Elsie Gatpayat.
Ilang araw pagkalipas ng insidente, binisita ng City Health Office ng Valenzuela ang karinderiya kung saan nabili ni Fernandez ang kontaminadong isda.
Sa kanilang pagpasok, bumungad na walang takip at nakatiwangwang lang ang lagayan ng ulam, na malinaw na paglabag sa kanilang sanitation code.
Bagama’t may sanitary permit ang karinderiya, kailangan pa rin itong i-monitor ng LGU sa loob ng 14 na araw at sumunod sa mga requirement ng City Health Office, gaya ng food safety seminar at pest control. Kailangan ding maipasa ng may-ari at mga tauhan ng karinderiya ang exam sa Food Safety Training.
Nakita namang buhay pa ang isang ipis na nakahalo sa in-order na rice meal ng binatiliyong si “Ton-ton,” hindi niya tunay na pangalan sa isang sizzling house sa Lipa.
Ayon kay Ton-ton, nakahalo sa kanin ang ipis na muntik na niyang malunok.
“Pagkasubo ko po, may naramdaman po ako sa mukha ko na gumalaw,” sabi ni Ton-ton.
Inireklamo ng pamilya ni Ton-ton sa food stall ang insidente, ngunit walang ginawang aksyon ang mga tauhan nito.
“Nang makita nila nandoon pa ‘yung ipis, buhay. Bumalik sila sa puwesto nila. Naghihintay kami kung ano bang aksyon ang gagawin o reaksyon ba kung ano ba. Hanggang sa nainip na kami, walang nangyayari,” sabi ni Russel Culabat, ama ni Ton-ton.
Ipinarating ng Reporter’s Notebook ang insidente sa City Health Office ng Lipa, Batangas.
“Actually, ang nakita namin. May breeding place ng vermin, ng cockroach. Talagang meron. Hindi namin nalalaman kung saan nanggagaling,” sabi ni Dr. Ariel Lescano, head ng City Health Office ng Lipa.
“Loob ng refrigerator, may cockroach. Bukas ang refrigerator, may cockroach. Paano nangyayari ‘yun?” dagdag ni Lescano.
Bukod dito, nakita ring gumagamit ng mga maruming gamit pang kusina at food storage ang food stall, at mga nakatambak at nakakalat na kitchen appliances na posibleng pamahayan ng mga peste.
Wala ring sanitary at mayor's permit ang food establishment.
Binigyan ng 10 araw ang City Health Office para ayusin ang mga violation ng food stall.
Tunghayan sa Reporter’s Notebook ang tungkulin ng lokal na pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga ibinibentang pagkain sa publiko, at ang paalala ng Department of Health para masigurong ligtas ang kakainan. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News