Palaisipan sa marami kung bakit nagkakaroon ng kulogo o warts sa katawan. Paano nga ba tumutubo at ligtas bang alisin ito sa pamamagitan ng pagpaso, paggamit ng blade o nail cutter, o kahit ang mga nakikita sa kalye na may ipinapahid na langis?
Sa programang “Pinoy MD,” ipinaliwanag ni Dr. Ma. Teresa Veroy, na ang kulugo o warts ay nakukuha sa human papilloma virus or HPV, na kadalasang tumutubo sa mga “exposed areas” gaya ng kamay at paa.
“Ang mga warts na ganito ay nakukuha through skin-to-skin transmission. So maaari natin makuha ito ‘pag tayo ay humihiram ng mga gloves, guwantes, or mga sapatos na ginamit ng isang tao na infected ng virus na ito,” sabi ni Dr. Veroy.
Kadalasang nag-uumpisa na maliit lamang na butlig ang kulugo hanggang sa dahan-dahan itong lumalaki.
Mayroon itong verruca surface na kapag lumaki pa ay nagmumukhang cauliflower.
Sinabi pa ni Dr. Veroy na maaaring tumubo ang kulugo sa iba't ibang bahagi ng katawan gaya ng palad, paligid ng mata o sa iba't ibang parte ng mukha, paligid ng kuko, kamay at paa, at maging sa pribadong bahagi ng katawan.
Payo ni Dr. Veroy, magpatingin sa mga doktor kung lalo pang dumami ang kulugo dahil maaaring magdulot ng cancer ang human papilloma virus. Mapipigilan o maiiwasan ito sa pamamagitan ng mga HPV vaccines.
Ang iba, “instant” ang paraan ng pag-aalis ng kulugo, gaya ng pagpahid ng langis o kemikal at saka hahatakin mula sa balat.
Pero hindi ito inirerekomenda ni Dr. Veroy.
“Unang-una, puwede pong magkaroon ng inflammation, sugat, at puwede pong lumalim ito, magkaroon ng infection at scarring. Maaari din po hindi tayo makasigurado na makukuha lahat ng kulugo at maaaring po after ilang weeks o months, babalik po ulit ‘yung kulugo,” sabi ni Dr. Veroy.
Hindi rin nirekomenda ni Dr. Veroy ang pagpapaso ng kulugo gamit ang sigarilyo.
“‘Yun pong pagpaso ng sigarilyo sa kulugo, ‘wag na lang po natin gawin. Kasi puwede po itong magbigay ng malalim na implamasyon sa balat, magkakaroon ka pa ng scar, magkakaroon ka pa ng bacterial infection, at hindi rin po tayo sigurado na magiging successful ‘yung ganitong paraan,” anang dermatologist.
Hindi rin nirerekomenda ang paghihiwa sa kulugo gamit ang blade, lalo kung ito’y madumi o hindi sterile na magdudulot ng tetanus. Hindi rin ligtas ang nail cutter dahil maaari pang magkaroon ng secondary bacterial infection.
Samantala, walang clinical trials o patunay na nakaaalis ng kulugo ang bawang. Katunayan, maaari pang ma-irritate, mamula, mamaga, at magkaroon ng severe inflammatory reaction ang balat mula sa bawang.
Tunghayan sa Pinoy MD ang mga ligtas na paraan kung paano epektibong pagtanggal sa kulugo. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News