Malayo sa kaniyang marangyang buhay sa Poland, mas pinili ng isang babaeng Polish na manirahan nang payak sa probinsya ng Surigao del Sur, kapiling ang Pinoy na nagpatibok sa kaniyang puso.
Sa ulat ng Dapat Alam Mo, sinabing ginagawa ng Polish na si Joanna Buniel ang mga gawaing bahay gaya ng pamamalengke, pagluluto, pagtatanim, paglalaba, at iba pa.
Kaya naman labis ang saya at pasasalamat ng kaniyang mister na si Glen dahil niyakap ni Joanna ang kulturang FIlipino, at hindi naging maarte.
Taong 2017 nang magkakilala ang dalawa online at naging magkaibigan. Humantong ito sa pag-iibigan kaya bumisita sa Pilipinas si Joanna noong 2018.
Pagkaraan pa ng isang taon, ikinasal na ang dalawa sa Pilipinas.
Bagaman maganda ang buhay nila sa Poland, sinabi ni Joanna na mas simple ang buhay sa Pilipinas.
"The life is more simple. I have more time to spend with my family, with my friends," sabi ni Joanna sa pagpili niyang manirahan sa Pilipinas.
Aminado si Glen na inisip niya noon kung paano pakikisamaha si Joanna dahil sa magkaiba ang kanilang kinalakihan at kultura.
Kaya nagpapasalamat siya na hindi naging maarte si Joanna at niyakap ang simpleng pamumuhay sa probinsiya.
Ngayon, mayroon na silang dalawang anak.
Nais ni Glen na matutunan din ng kanilang anak ang kultura sa bansa ni Joanna.
Ayon kay Joanna, hindi mahalaga sa isang tao kung saang bansa nagmula. Ang mahalaga umano ang personalidad nito at prinsipyo.
Nais din nilang mabago ang pagtingin ng iba sa mga banyaga dahil kaya rin ng mga dayuhan na mamuhay ng simple sa probinsya.--FRJ, GMA Integrated News