Nahagip sa CCTV camera ang biglang pagbilis ng paghinga at panginginig ng kamay ng isang lalaki habang nakaupo at nagpapahinga sa kanilang tahanan. Inatake nga ba siya sa puso?

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng 35-anyos na si Aian “Famngarap” Lazaro, na mayroon siyang mga negosyo na kaniyang inaasikaso.

“I have multiple businesses. So kung ano ang kinakailangan sa akin, doon ako pumupunta tapos doon ako nag-uubos ng oras. Minsan kapag may meetings ako nakakalimutan ko ring kumain, uminom ng tubig,” ayon kay Lazaro.

“‘Pag nag-work ako talagang dire-diretso. May weeks ako na hindi talaga ako nagre-rest day. Pagka tumabraho ako dire-diretso ‘yun,” dagdag niya.

Kaya nang minsan siyang umuwi para umidlip at magpahinga, bigla na lang umano siyang nagising na nahihirapan siyang huminga, at nakaramdam ng palpitation.

Napahawak si Lazaro sa dibdib dahil sa kaniyang kaba, na tila mabigat ang pakiramdam. Tila nanginginig din ang kaniyang kamay.

“Actually, akala ko talaga inaatake na ako doon. Akala ko may heart attack na nangyayari sa akin,” sabi ni Lazaro.

Inilahad niyang isang stroke patient ang kaniyang ama, na nakaranas ng multiple heart attacks.

Sa kabila ng takot, pinili niyang kumalma dahil ayaw niyang mag-panic ang kaniyang mag-ina.

Nangunguna ang ischemic heart diseases o mga sakit sa puso sa dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino noong 2023, base sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Paliwanag ni Dr. Ramos na kapag may ischemic heart disease ang isang tao, kulang ang supply ng dugo sa kalamnan o muscle ng puso para sa kaniyang pangangailangan dahil sa pagbabara ng ugat na naghahatid ng dugo at sustansya.

“‘Pag matindi na ang ischemia, nagkakaroon ng heart attack. ‘Yung heart attack, ito yung pagbabara na talaga ng ugat ng puso. Walang dadaloy doon at dahil wala nang dumaloy na dugo at sustansya doon sa isang bahagi ng puso, namamatay ‘yung bahagi ng puso na ‘yun. Hindi na nakaka-recover ‘yun ‘pag namatay ‘yun,” anang cardiologist.

Posibleng makaranas ng heart attack o atake sa puso ang sinomang tao dahil sa risk factors gaya ng family history, o kapag umaabot na ng 45 hanggang 50 anyos ang isang lalaki.

Ilan sa mga senyales ng posibleng atake sa puso ang pangkalahatang sakit sa dibdib, nagpapawis nang malamig at nahihirapang huminga.

Samantala, hindi kumbinsido si Dr. Ramos na sa puso nanggaling ang dinaramdam ni Lazaro, kundi posibleng anxiety o panic attack.

“Ito ‘yung kusang lumilipas. Pag nalibang ‘yung isip mo sa ibang bagay, lilipas ‘yun,” sabi ni Dr. Ramos.

Ipagpapatuloy ni Lazaro ang kaniyang annual check-up para matiyak na mabuti ang kalagayan ng kaniyang puso. —FRJ, GMA Integrated News