Hindi ikinahihiya ng negosyante at vlogger na si Boss Tayo, o Jayson Luzadas, ang kaniyang nakaraan na dati siyang pasaway, adik, snatcher, takaw-away at ampon. Paano nga ba niya binago ang kaniyang buhay? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jayson na 13-anyos siya nang malaman niyang ampon siya nang lapitan siya ng isang nagpakilalang kapatid niya habang nakatambay siya sa inuman.

BASAHIN: 3 polo na ginamit sa music video na 'Bagsakan,' ibenta kaya sa halagang P2 milyon?

"Directly sinabi niya na, 'Kuya kita.' Sabi ko sino ka? Sabi niya kapatid kita. Magkakapatid tayo, isa ang nanay natin," saad ni Jayson.

Aminado si Jayson na nakaapekto sa kaniya ang pangyayari at nagrebelde siya lalo pa't hindi pa niya alam noon ang tama at mali.

Ayon kay Jayson, nalulong siya sa ilegal na droga, nagbebenta ng mga gamit, nangungupit, at natutong magnakaw para matustusan ang kaniyang bisyo.

Naging basagulero rin siya at ilang beses na nasaksak, naging snatcher at hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Naghahanap umano siya ng atensyon nang mga panahong iyon na nakita niya sa mga barkada at bisyo.

Pero nagsimula raw ang pagbabago sa kaniyang buhay nang magkasakit siya ng dengue na halos ikamatay niya.

Kinailangan siyang salinan ng dugo noon.

"After kung mailabas ng ospital sabi ko parang ayoko nang mag-shabu," kuwento niya.

Kasabay nito, may nag-alok sa kaniya na maging delivery boy na umaabot ng gabi ang trabaho. Doon raw siya natutong pahalagahan ang pera.

Hanggang sa naging asawa niya si Loves Joy.

Ayon kay Jayson, sinubukan lang niya noon nag-buy and sell business na kilala na ngayon na "Pinoy Pawnstar." Galing naman daw sa kanilang gold business ang puhunan nito.

BASAHIN: Jersey ni Francis Magalona, binili ni 'Boss Toyo' sa halagang P500,000

Sa harap ng tagumpay, may isa pang pinapangarap sina Jayson at Loves Joy, kung ano ito, alamin sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News