Sa harap ng ipinatutupad na PUV modernization program ng pamahalaan, may mga nagsusulong na hindi sana mawala ang iconic design ng jeepney sa mga gagamiting modernized jeepney na kadalasang mga tila "mini bus" ang hitsura.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni JM Encinas, napag-alaman na may jeepney manufacturer sa Laurel, Batangas na gumagawa ng mga modernized jeepney na likha ni Jun Calinisan ng Glorious Works.
Ang modernized jeepney ni Calinisan, 26-seater, automatic ang pinto, maaliwalas, puwedeng tumayo ang pasahero at komportable ring makakaupo ang mga senior citizen at persons with disability.
Bukod sa mas mura kumpara sa ibang modernized jeepeny, ang mga produkto ni Calinisan, taglay ang iconic design na jeepney.
Nasunod din umano nito ang Philippine National Standard pagdating sa laki at sukat nito.
Ayon pa kay Calinisan, depende na sa may-ari o bibili ng kaniyang modernized jeepney kung paano niya ito iko-customize-- puwedeng palagyan electric fan o aircon, dashcam at CCTV camera.
Kasalukuyan na itong bumibiyahe sa Batangas.
Nagkakahalaga ng P650,000 at posibleng umabot sa P1.3 milyon ang katawan ng modernized jeepney ni Calinisan, depende sa ilalagay ng makina.
Mas mababa ang presyo nito sa modern jeepney units na planong angkatin mula China na nasa P2.6 milyon.
Kaya ilang mambabatas ang isinusulong na suportahan ang gawa ng mga local jeepney manufacturer.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi sila makikialam kung anong tatak at modelo ng jeepney ang kukunin ng mga grupong pasok sa programa.
Inihayag ng Department of Transportation, na nasa 70% na ang prangkisa sa buong bansa para sa PUV modernization program sa kasalukuyan.-- FRJ, GMA Integrated News