Dahil sa kanilang pagtitiyaga na maghulog ng bente-benteng barya sa isang alkansiya, nakapag-ipon ng ng P190,000 ang isang engaged couple. Alamin ang kuwento sa likod ng kanilang determinasyon.
Sa programang “Good News,” itinampok ang couple na sina Reynaldo Ortega at Erminda Francisco, na hindi sa alkansya nagsimula ang ipon challenge kundi sa isang maliit na bote.
“Bale nag-start lang siya as collection lang talaga. Ang target ko lang before is mag-collect lang ng mga P20 coins… Actually, gusto ko ang mga bago, for display purpose lang talaga,” sabi ni Ortega.
Hanggang sa mag-level up si Ortega sa kaniyang pag-iipon sa bote at inilipat ang mga barya sa isang malaking alkansiya, na kaniyang pinuno sa loob ng walong buwan. Suportado naman ito ni Francisco.
“‘Yung mga gusto namin, ‘di talaga nabibili. Like, ako dati, naiinggit ako sa mga kaibigan ko na may mga bagong sapatos, bagong laruan. ‘Yun siguro ang nag-motivate sa akin. Sabi ko sa sarili ko nu’ng bata ako na gusto kong umangat sa buhay,” ani Ortega.
Sinimulan nina Ortega at Francisco ang kanilang maliit na food cart business noong Oktubre 2022.
Umasenso ito at may apat na branch na ngayon.
“Ayaw na namin kasi sanang maranasan ‘yung hirap na, pamasahe mo poproblemahin mo pa. Magugutom ka, kahit gusto mong kainin, hindi mo siya mabili kasi ‘yun lang ‘yung budget mo. ‘Yun ‘yung nagpapa-motivate sa amin ngayon, na mag-ipon hangga’t may pagkakataon,” sabi ni Francisco.
Pagkaraan ng isang taong dedikasyon, nakapagpundar na sina Ortega at Francisco ng bahay at sasakyan.
Mula sa pagiging dating kapos, nakaluluwag-luwag na ang couple, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa nakagawian nila na pag-iipon. Araw-araw na naghuhulog sa kaniyang alkansiya si Ortega ng sobrang P20 na barya sa kaniyang bulsa o kita sa pagtitinda.
Pinalagyan pa niya ito ng lock para tiyak na hindi nila mabubuksan.
Binuksan na nina Ortega at Francisco ang kanilang alkansiya Setyembre noong nakaraang taon. Sa kanilang pagbibilang, umabot na ang kanilang mga P20 na barya ng P190,000.
Viral man ang kanilang video na may 5.3 milyong views mayroon namang tumaas ang kilay dahil ayon sa kanila, hindi dapat iniipon at pinatatagal ang pera sa alkansiya para hindi nagkukulang ang mga barya.
“Siguro dahil kaya rin siya nag-trend kasi may mga bashing talaga. So, di naman namin masyadong pinansin ‘yung bashing kasi alam naman namin na ipon lang naman talaga yung target namin. Wala naman kaming nilalabag o intensyon na hindi maganda,” sabi ng couple.
Dahil sa kanilang naipon, nakapag-travel sa Korea sina Ortega at Francisco. Ang natira naman, ipinasok nila sa bangko para ipunin at maparami pa.
“Kung merong sobra, much better na magtabi. Kumbaga may tinatawag kasi kaming emergency fund. So, kahit anong mangyari, kung hindi naman kailangan, huwag niyong gagalawin yung emergency fund na ‘yun lalo na kung pangluho lang. Kaya nga siya emergency. In case of emergency, mawalan ka ng trabaho, magkasakit ka, meron kang paghuhugutan,” sabi ni Francisco.-- FRJ, GMA Integrated News