Sa programang “Pinoy MD”, inilahad ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Raul Villamor ang mga dahilan ng pagkakaroon ng Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS) ng mga babae, kahit na may anak na.

Ayon kay Dr. Villamor o Doc. Q, ang PCOS ay nangyayari sa mga babaeng nasa reproductive age, kahit nakapanganak na o hindi pa nagkakaanak.

Ilan sa mga sintomas ng PCOS ang kawalan ng regla o  hindi naman ay matindi ang regla, pagkakaroon ng taghiyawat, at abnormal pigmentations sa ibang bahagi ng katawan.

Nangyayari umano ang mga ito dahil sa hormonal imbalance na nagdudulot ng mataas ang estrogen o mababa ang progesterone ng isang babae, o maaaring may resistance siya sa insulin gaya ng mga may diabetes mellitus.

Posible ring magkaroon ng PCOS ang isang babaeng may abrupt weight gain o abrupt weight loss.

Sinagot din ni Dr. Q ang tanong kung normal lamang ba na inaabot ng tatlong linggo ang regla.

Ayon sa obstetrician-gynecologist, umaabot lamang ng tatlo hanggang pitong araw ang normal na regla. Ang tagal naman ng araw ng huling regla hanggang sa susunod ay umaabot ng 28 araw na may karagdagan o kabawasan ng pitong araw.

Ibig umanong sabihin, maaaring magkaroon ng menstruation ang isang babae sa loob ng 21 o 35 na araw.

Sa isang buwan, maaari siyang magkaroon ng dalawang menstrual cycles o may isang buwan na hindi siya magkaka-regla, ngunit magkakaregla na sa linggo ng susunod na buwan.

Kaya naman hindi na normal kung lumampas ito ng 35 araw o kung nagkaroon siya nang hindi pa umaabot ng 21 araw, na tinatawag na abnormal uterine bleeding.

Tunghayan sa Pinoy MD kung ano ang amenorrhea na pagkawala ng regla ng isang babae, at kung bakit may ilang 18-anyos na babae na hindi pa nagkaka-regla. Panoorin ang buong pagtalakay sa video. -- FRJ, GMA Integrated News