Gaya ng Maynila, sinasabing galing din sa pangalan ng halaman ang pangalan ng Quiapo, na puntahan ng mga deboto ng Itim na Nazareno taun-taon.
Sa Quiapo nakatayo ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Simbahan ng Quiapo, na tahanan ng Mahal na Poon na Itim na Nazareno.
Sa Facebook post noong nakaraang Disyembre, inanunsyo ng Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila, na opisyal na idedeklara sa January 29, 2024 ang Minor Basilica of the Black Nazarene bilang isang National Shrine.
Kung galing sa halaman na "Nila" ang pangalan na Maynila [naging palatandaan umano ng mga tao sa lugar noon na may nila], ang Quiapo naman ay sinasabing galing ang pangalan sa tubig halaman din na "kiapo" o "kiyapo."
Sa isang panukalang batas na inihain noon ni Senador Lito Lapid para ideklara ang Quiapo District bilang National Historial-Cultural Heritage Zone, binanggit niya ang artikulo ni Michael Carlo C. Villas na, "Quiapo: A Historical Sketch," na nalathala sa UP Digital Humanities, kung papaano nakuha umano ng Quiapo ang pangalan nito sa "Kiapo," bago pa man dumating ang mga Kastila.
Ang kiapo o kiyapo na may scientific name na stratioies pistia, ay isang water lily na kamukha umano ng cabbage o repolyo. -- FRJ, GMA Integrated News