Sa mga nag-iisip ng negosyo ngayong 2024, panoorin ang kuwento ng mga taong nasa likod ng mga pagkaing "putok-batok" na swak sa panlasa ng mga Pinoy. Ang kanilang kita, kaya raw umabot ng lima hanggang anim na digits kada buwan.
Sa programang Pera Paraan, itinampok ang Manang's Pares & Sizzling House, na mayroon nang unli kanin, sabaw at gravy kung magdadagdag lang ang customers ng P20.
Pagmamay-ari ito ni Wes Kent Laurence Reyes, na nag-aalok ng silog meals, pares at sizzling meals mula P49 hanggang P239.
Isa ang sizzling steak sa bestseller ng Manang's Pares & Sizzling House, na kayang kumita ng hanggang P100,000 kada buwan.
Ipinangalan ni Reyes ang kainan sa kaniyang Lola Manang, kaya pursigido siya sa negosyo.
"Ang hirap po talagang maging mahirap. Ayoko na pong maranasan 'yun, gusto ko po talagang maging mayaman, gusto kong maging kumportable ako, gusto kong maging kumportable ang pamilya ko, gusto kong maging kumportable ang lahat ng mahal ko sa buhay," sabi ni Reyes.
Sa Malolos, Bulacan naman, patok ang mga lechon belly na may kakaibang flavors ng Mr. Pugon, pagmamay-ari ni Mark Calalang.
Mayroon silang anim na flavors na Classic, Lemon Herb, Lechon De Negra, Lechon Bulakenya, Sweet Style, at Longganisa Calumpit stuffed. Naghahanda sila ng 25 hanggang 50 lechon belly para sa customers kada buwan.
Dahil sa kaniyang paandar, kumikita ang kaniyang negosyo ng P60,000 hanggang P70,000 kada buwan, at umaabot pa ng six digits kapag Disyembre.
Mas nakilala pa ang lechon belly business ni Calalang nang mag-advertize na sila sa Facebook at iba pang social media.
"Dapat maging pursigido ka, huwag kang sumuko roon sa product na ine-endorse mo," sabi ni Calalang.
Hindi naman pahuhuli ang flavored crispy pata ng Boss AJ's Crispy Pata ni Alex Ambrocio.
Nilagyan niya ng twist ang kaniyang crispy pata, na sinamahan niya ng buttered garlic. Kalaunan, ginamitan niya na rin ito ng chili garlic.
Mula sa tatlong order, umaabot na ngayon ng 40 hanggang 50 piraso kada araw ang kanilang mga order. Kumikita ang kaniyang negosyo ng P5,000 hanggang P10,000 kada araw.
"'Yung puso mo ilagay mo sa negosyo. 'Yung trials natural lang 'yun, hindi naman kasi laging maganda ang takbo ng benta. 'Yung challenges na 'yan natural lang 'yan. Mas mahirap na challenge mas maganda kasi kapag nalagpasan mo 'yan, ibig sabihin magaling ka," sabi ni Ambrocio.
Panoorin sa video kung papaano nila inihahanda ng kani-kanilang produktong pagkataon. --FRJ, GMA Integrated News