Ibinahagi kamakailan ni Angelica Panganiban na nakaranas siya ng matinding pananakit ng kaniyang balakang mula pa noong ipinagbubuntis ang kaniyang anak, hanggang sa hindi na siya makalakad. Ano nga ba ang sakit na Avascular Necrosis o bone death na tumama sa kaniya, gaano ito kadelikado at paano ito malulunasan?
Sa Pinoy MD, ipinakilala ang 32-anyos na si Aiko Reyes, na nakaranas din noong 2020 ng Avascular Necrosis matapos manganak, gaya ni Angelica.
"Una, akala ko po normal lang kasi nine years 'yung gap nila. So akala ko po normal lang 'yung pagsakit ng hip ko, sa puwetan. Iika-ika na akong maglakad tapos 'yung legs ko po hindi na siya nagko-compress," sabi ni Reyes.
Dahil dito, uminom siya ng mga pain reliever, ngunit nagpabalik-balik lamang ang pagkirot ng kaniyang bewang at balakang.
Nang magpatingin sa orthopedic surgeon at magpa-rehab sa pamamagitan ng physical therapy, mas lalo lamang tumindi ang pananakit.
Bukod sa napilitang tumigil sa trabaho, ikinalungkot ni Reyes na hindi niya naalagaan ang kaniyang baby dahil sa sakit. Tinamaan din siya ng anxiety dahil hindi niya makarga ang kaniyang anak.
Nakumpirma sa x-ray at MRI na mayroon siyang Avascular Necrosis.
Paliwanag ng orthopedic surgeon na si Dr. Lawrence Bernardo, ang Avascular Necrosis ay isang kondisyon kung saan nababawasan ang blood flow o air supply sa isang buto kadalasan sa hip joint.
Dagdag ni Bernardo na base sa mga pag-aaral, sa babae at sa lalaki nangyayari ito pero base sa mga pag-aaral mas common ito sa mga lalaki dahil sa kanilang high-risk behavior.
Sinabi pa ng mga eksperto na posible ring nasa lahi ito. Maaari ring magkaroon ng AVN ang nakaranas ng injury o may mga trauma sa katawan.
Nakaaapekto rin ang lifestyle ng isang tao tulad ng sobra-sobrang pag-inom ng alak o paninigarilyo.
Sa kaso ng isang nagbubuntis gaya ni Reyes, maraming hormonal changes o high stresses na nangyayari sa katawan ng isang babae, na maaari ring humantong sa AVN. Gayunman, napakadalang nito at 40 kaso lamang ang naiulat worldwide.
"'Yung patients na buntis na nagkakaroon ng AVN, most of them may underlying causes pa na iba, may iba pang underlying diseases," sabi ni Bernardo.
Sa kaso ni Reyes, maaaring epekto ng steroids para sa sakit niyang lupus ang bone death.
Tunghayan sa Pinoy MD ang pagsailalim ni Reyes sa joint replacement o joint arthroplasty upang magamot ang kaniyang kondisyon, at ang payo ng eksperto upang maiwasan ang Avascular Necrosis. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News