Hindi maiwasan ng ilang residente sa Balingiga, Eastern Samar na mag-alala dahil sa misteryosong maliit na tila bato na kanilang nadiskubre na nakalubog sa dagat pero nagliliyab kapag inalis sa tubig.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Teddy Pabillo, na una niyang nakita ang pag-usok ng bato sa dagat nang bumaba ang tubig nang sandaling iyon.
Kinalaunan, pinuntahan niya ang lugar upang alamin kung saan nanggaling ang usok mula sa bato.
Hanggang sa mapansin niya ang puting maliit na bato na nasa ilalim ng tubig.
Nang kunin niya ang bato at inilapag sa tuyong lugar, umusok iyon, nalusaw na kulay pula, nag-apoy at lumikha ng amoy na tila pulbura.
Ayon kay Nanay Estrella Amistoso, na residente rin sa lugar, taong 1980's nang una niyang makita ang batong nagliliyab nang mag-uwi nito sa kanilang bahay ang kaniyang anak.
Namangha umano ang anak ni Nanay Estrella at ibinulsa ang bato nang makita niya ito na umuusok habang nasa lupa. Pero pag-uwi sa bahay, nakita ni Nanay Estrella na nasusunog na at umuusok ang bulsa ng anak.
Iyon daw ang una at huling pagkakataon na nakita niya ang misteyosong bato. Hanggang sa nabalitaan niya na muli itong nakita ng iba niyang kababayan sa lugar.
Sa kabila ng pangamba ng iba na baka pagmulan ng sunog ang bato, may umaasa naman na baka magdulot ito ng ginhawa sa kanilang lugar kung sakaling mayroon itong halaga at puwedeng minahin.
Nang puntahan ng "KMJS" team ang lugar, inilabas ng isang residente ang isang maliit na misteryosong bato na matagal nang inilagay sa bote na may tubig.
At pagkaraan ng ilang minuto matapos na alisin ang bato sa tubig at ilagay sa tuyong lugar, umusok ito, nalusaw at nagliyab na may kasamang amoy na pulbura.
Ano nga ba ang misteryosong bato na ito at ano ang peligro na maaari nitong dala sa kalusugan ng tao kapag nalanghap ang inilalabas na usok? Alamin ang paliwanag ng eksperto sa video na ito ng "KMJS." Panoorin ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News