Inihayag ng Department of Health na mayroong apat na kaso ng "walking pneumonia" ang naitala sa bansa. Ano nga ba ang walking pneumonia, dapat ba itong ikabahala at paano ito maiiwasan? Alamin.
Sa GMA Integrated News na "Need to Know," sinabing lumabas sa datos ng DOH na umabot sa 182,721 ang mga kaso sa bansa ng Influenza-Like Illnesses (ILI) --na kilala rin bilang flu o trangkaso-- mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito.
Sa nasabing bilang, apat dito ay kumpirmadong walking pneumonia, na isang uri ng ILI na dulot ng bacteria na mycoplasma pneumoniae.
Bagaman mga bata ang karaniwang apektado nito, sinabi ng DOH, kahit sino ay maaaring tamaan.
Bakit nga ba ito tinawag na walking pneumonia?
"Kaya 'walking' kasi hindi akala ng tinamaan nito na mayroon pala siyang pneumonia. Kasi kaya niyang pumasok ng trabaho, paaralan," paliwanag ni DOH Undersecretary Enrique Tayag.
Ilan sa mga sintomas ng pneumonia ay hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, at mataas na lagnat.
Ayon sa DOH, pawang gumaling na ang apat na nagkaroon ng walking peumonia sa Pilipinas.
Hindi rin umano bago ang mga kasong ito sa bansa. Ayon sa DOH, "common" at kilala ang pathogen nito na mycoplasma pneumoniae.
Hindi rin ito galing sa bagong virus at hindi bagong uri ng sakit ang walking pneumonia. Mayroon nang gamot para rito, at sa ilang pagkakataon ay kusang gumagaling.
Ayon sa DOH, ang mga tinamaan ng nito ay posibleng gumaling at mawala ang sintomas ng sakit sa loob ng pito hanggang 10 araw.
Sinabi rin ni DOH Secretary Ted Herbosa, na walang outbreak ng walking pneumonia sa bansa.
Kung marami man ngayon ang kaso, dahil daw season ng respiratory illness ngayon.
Para makaiwas sa naturang sakit, payo ng DOH sa publiko, laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask, dapat may maayos na ventilation ang lugar, at magpabakuna. -- FRJ, GMA Integrated News