Nag-viral kamakailan sa social media ang isang lalaki na galit na galit na hinihingi ang lisensya ng nakagitgitan niyang truck driver sa Taguig City. Sino-sino nga ba ang awtorisadong mangumpiska ng lisensya ng mga motorista?
Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na tanging ang Land Transporation Office (LTO) lamang ang may karapatang mangumpiska ng lisensya ng mga motorista na may nagawang paglabag sa batas trapiko.
Dahil ang LTO ang natatanging ahensiya na nagbibigay o nag-i-isyu ng lisensya, ito lang din ang ahensiya na maaaring kumuha o mangumpiska nito.
Nakasaad sa Republic Act No. 4136, na siyang batas na gumawa ng LTO, ang mga deputized officials nito ang maaaring mangumpiska ng lisensya.
Sa mga pagkakataong may isang tao o deputized official na mangungumpiska ng lisensya, maaaring magtanong ang motorista kung mayroon silang deputation na ID o mission order na nakasaad ang kanilang area of responsibility, time of duty, official function, at kung talagang authorized silang mag-isyu ng ticket at magkumpiska ng lisensya.
Ang mga deputized official ay may temporary operator’s permit, na resibo na maaaring gamitin kung nakumpiska ang driver’s license ng motorista.
Dahil dito, ang mga traffic enforcer ay maaari lamang mag-request na tingnan ang lisensya ng motorista, ngunit hindi sila puwedeng mangumpiska.
Kung ang isang private citizen o unauthorized personnel ay mangungumpiska ng lisensya at magkukunwari pa na sila ay pulis o LTO officer, maaari silang kasuhan ng usurpation of official function sa ilalim Article 177 ng Revised Penal Code.
May parusa itong kulong ng anim na buwan at isang araw, hanggang apat na taon at dalawang buwan.
Ang lalaki sa viral video na hinihingi ang lisensiya ng nakaalitan niyang driver ay inisyuhan na ng show cause order at pinagpapaliwanag ng LTO. --FRJ, GMA Integrated News