Tunog malaswa man ang pangalan, masustansiya at masarap naman ang putaheng gulay na ito sa Batangas na tinatawag na “tabayag.” Ala eh, bakit nga ba ganire ang pangalan ng lutuing are?

Sa programang “I Juander,” itinampok si Ester Del Rosario, mula sa sa Calaca, Batangas, na kinalakihan na ang pagkain ng ginisang tabayag.

Kinukuha lang nila ang mga sangkap ng tabayag sa kanilang bakuran. Kung minsan, ito rin ang ipinangbabaon nila sa eskuwelahan.

Paliwanag ni Del Rosario, ang “tabayag” ay ang iba pang tawag nila sa gulay na upo.

Ayon sa programa, marami sa mga Pinoy ay ibinase sa kanilang nakikitang kahugis o kaanyo para ipangalan sa isang bagay upang madaling matandaan.

Ayon kay Prof. Jaime Salvador Corpuz, food and culture historian, pamoso rin sa lugar ng Taal sa Batangas ang salitang tabayag.

“Pero kung ano man ang tawag ay walang anumang kaugnayan sa bayag ng isang lalaki [ang tabayag],” paliwanag ni Corpuz.

Paano nga ba ginagawa ang ang tradisyunal na pagluluto ng ginisang tabayag? Panoorin ang ituturo ni Del Rosario sa video na ito ng "i-Juander." --FRJ, GMA Integrated News