Kapag nababanggit ang “patotoy,” madalas na pumapasok sa isipan ng ilan ang maselang bahagi ng katawan ng isang batang lalaki. Pero sa Pangasinan, isang kakanin na kapangalan nito ang patok at talaga namang kinatatakaman.

Sa nakaraang episode ng “i-Juander,” ipinaliwanag ng food and culture historian na si Prof. Jaime Salvador Corpuz na ang “patotoy” ay tumutukoy sa ari ng batang lalaki na hindi pa natutuli.

“Mahilig tayong magbigay ng mga pangalan, ng mga bansag base na rin sa ating mga nakikita. Napakahilig ni Juan na mag-ugnay ng mga iba’t ibang klase ng mga nakakikiliting mga bansag dito sa mga bagay na ito,” sabi ni Corpuz.

Paliwanag ni Corpuz, ang “patotoy” sa Pangasinan ay isang delicacy na tila suman ngunit hindi nakabalot nang buo sa dahon ng saging. Sa halip, hinuhulma ito ng pahaba na tila hugis ng ari ng isang batang lalaki.

Mayroon din itong filling na yema kapag kinain.

Si CJ Arcia na taga-Dasol, espesyal ang patotoy dahil sa halip na karaniwang yema, salted caramel ang kaniyang palaman.

Nagmula pa ang ginamit na asin mula sa Dasol, na kilalang pagawaan ng asin.

Tunghayan sa video ng "i-Juander" ang proseso ng paggawa ng masarap na patotoy with salted caramel. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News