“Pamatay” at trending sa Tiktok ang mga putok-batok tower na menu na inaalok ng isang kainan sa Santa Cruz, Maynila. Ang naturang negosyo, kumikita raw ng hanggang P500,000 kada buwan.
Sa programang “Pera Paraan,” ipinakilala ang kainan nina Jhovy Canita at kaniyang elementary best friends na sina Carlos at Leandro na “Flame & Flavors” sa Tayuman Street.
Sa puhunang P100,000, nagsimula ang kanilang putok-batok na negosyo nito lang Hunyo ng taon. Sa simula, budget friendly na silog meals ang kanilang naisip.
Ngunit ginawa nilang paandar ang iba’t ibang putok-batok na pagkaing Pinoy gaya ng chicharong bulaklak, crispy pata na pinagpatong-patong sa malaking plato ng java rice.
“Siguro ‘yung first few months talagang umiiyak na kami, kailangan pa ba naming i-continue? At first kakaunti lang ang kinukuha ko, and then here na ang dami na naming customer, hindi ko na alam kung anong quantity ng dapat naming bilhin,” sabi ni Canita.
“Minsan sa sobrang dami ng customer hindi na namin alam, kakaunti lamang ang aming manpower,” dagdag ni Canita.
Napagtanto nina Canita kalaunan na hindi biro ang pagpapatakbo ng isang negosyong kainan, lalo’t kailangang malinis na malinis ang paghahain ng chicharong bulaklak para walang amoy.
Hamon din ang pagsasabay nila ng mga sari-sarili nilang trabaho at ang kanilang negosyo.
Isang government teacher si Canita na pumupunta ng 3 p.m. sa kanilang restaurant para mangasiwa, at uuwi ng 8 p.m. para matulog nang maaga.
Ngunit pagkaraan ng ilang buwan, nagbunga ang kanilang pinaghirapan dahil kumikita na ang kanilang negosyo ng mula P400,000 hanggang P500,000 kada buwan.
Ibinibenta nila ang kanilang mga pamatay na tore ng putok batok mula P499 hanggang P679 na maaari nang pagsaluhan ng apat na tao.
Ilan sa kanilang menu ang crispy liempo tower, inihaw na liempo tower at pork barbeque tower.
May pagpipilian ding manok gaya ng chicken barbeque tower at fried chicken tower.
Best-seller ang kanilang crispy pata tower at chicharong bulaklak tower. Mayroon din silang cheesy bone marrow.
Ginagamitan nila ang kanilang pagluluto ng volcanic rocks o natuyong lava para mas malasa ang kanilang mga inihaw.
Tunghayan sa Pera Paraan ang proseso ng paghahanda nina Canita ng chicharong bulaklak. -- FRJ, GMA Integrated News