Mula sa pagiging cellmates, soulmates na ngayon ang dalawang dating bilanggo na nabuo ang pagmamahalan sa loob ng kulungan. At sa kanilang paglaya, ang pangakong magbabago at palalaguin ang nasimulan nilang negosyo sa labas.
Sa isang episode ng “Good News,” ipinakilala sina Jerry “Loyda” Mamangun at Honnie Paguio, na parehong nakulong noon sa Pampanga Provincial Jail.
Taong 2019 nang mabilanggo si Loyda dahil sa ilegal na droga. Nakasama niya sa selda ang kapwa inmate na si Honnie.
“Dati po 170 plus umabot po kami roon. Tinutukso po siya na ‘Bakit hindi ka magpakilala sa bago?’ Binibiro-biro siya ng mga boss niya. That time rin po marami rin pong lumalapit sa akin na gustong magpakilala,” kuwento ni Loyda.
Kahit marami raw ang nagkakagusto kay Loyda, hindi naman daw tunay ang hangarin ng mga ito sa kaniya. Dahil dito, nahirapan din si Honnie na makuha ang kaniyang atensiyon at tiwala.
Pero hindi itinigil ni Honnie na ipahayag ang nararamdaman niya para kay Loyda.
Sa tuwing nagluluto si Honnie sa kulungan, lagi na niyang naiisip na dalhan ng pagkain si Loyda. Dahil dito, dahan-dahan na ring nahulog si Loyda sa kaniya.
Hanggang sa naging opisyal ang kanilang relasyon.
“Ang nagustuhan ko po kay Loyda mabait po siya, mapag-aruga. Noong nagkasakit po ako, siya ang nag-alaga sa akin,” sabi ni Honnie.
Ngunit nasubok ang kanilang relasyon nang magkahiwalay sila nang unang makalaya si Honnie noong 2021 at naiwan pa sa kulungan si Loyda.
“Sobrang dami ko pong insecurity noon. Tinutukso ako sa loob, sabi ng mga kasamahan ko ‘Huwag mo nang hintayin ‘yun, maraming makikita ‘yun, maraming makikilala ‘yun na babae.’ Sobrang lungkot,” sabi ni Loyda.
Gumawa naman ng paraan si Honnie na patuloy na makausap si Loyda sa pamamagitan ng mga sulat, na hanggang ngayon, tinatago pa rin nila.
“Ipinakita ko po sa kaniya na mahal na mahal ko po siya, na hindi ko siya iiwan. Sabay po kaming nangarap dito, dadalhin po namin hanggang sa paglabas,” sabi ni Honnie.
Sa kabila ng masaya nilang pagsasama, hindi pa rin sila nakaiiwas sa mga panghuhusga ng ibang tao, lalo pa't sa kulungan sila nagkakilala.
“Marami kaming naririnig na negative sa amin. Siguro hindi nila alam ‘yung pinagdaanan namin kaya ganu’n na lang sila kabilis mag-judge, tulad ng ‘Kriminal na nag-uwi pa ng kriminal,’” sabi ni Loyda.
Pareho daw nangako sina Loyda at Honnie na hindi na sila muling makukulong.
Ngayon, ang tanging hangad nila ay mapalago ang nasimulan nilang negosyong kainan.
Dahil gamay ni Honnie ang pagluluto, siya ang nakatoka sa kusina, habang si Loyda naman ang abala sa pagpapatakbo ng kanilang kainan.
Nagbunga na rin ang kanilang pagtitiyaga, dahil bukod sa mayroon na silang puwesto ng kanilang kainan, nakapagpundar na rin sila ng motorsiklo na may sidecar para magamit sa kanilang negosyo. --FRJ, GMA Integrated News