Hindi magkamayaw sa pagsigaw ang nasa 3,000 deboto ng Birhen ng Fatima matapos nilang masaksihan ang umano'y milagro nang tila magsayaw at pagpapalit-palit ng kulay ang araw sa kalangitan sa San Remigio, Cebu. Ang ilan sa kanila, sinabing gumaling sa kanilang mga sakit. Pero ang PAGASA, may paliwanag kung ano ang nangyari sa araw.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nangyari ang penomena noong umaga ng Oktubre 13, 2023. Nangyari ito kasabay ng ika-106 anibersaryo ng Miracle of the Sun, na nasaksihan ng 70,000 katao sa Fatima, Portugal noong 1970.

Mas kinilabutan pa ang mga deboto nang masaksihan din ang pagsayaw ng araw sa Capelinha de Fatima Replica o A Copy of the Little Chapel of Our Lady of Fatima.

Ayon kay Reynald Andales, International Vice President ng World Apostolate of Fatima, namangha siya dahil itinayo ang orihinal na capelinha sa panahon ng pandemya ng Spanish flu noong 1920. Samantalang ang kanilang Capelinha de Fatima Replica, itinayo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakasaksi sila ng milagro.

“During my Mass I saw there in the form of cloud the image of Mother Mary,” sabi ni Rev. Fr. Lyndon Cruz, Board of Trustee ng Tres Pastorinhos De Fatima Foundation Inc.

“I did not reveal it to the people. And now is the right time to let the people know,” dagdag ni Cruz.

Ang debotong si Raciel Nerves, na hindi nakapagsasalita matapos ma-stroke, bumiyahe pa ng dalawang oras para lamang makadalo ng Misa sa Capelinha.

Nang masaksihan niya ang umano'y milagro at “masinagan” siya ng araw,  naging maayos na ang kaniyang pagsasalita.

Ngunit ayon sa neurosurgeon na si Dr. Anabelle Alcarde, MD, maaaring mawala ang pagkabulol ng isang pasyenteng na-stroke sa loob ng ilang linggo. Pero may ibang pasyente na mas matagal mawala ang pagkabulol ng umaabot ng ilang taon.

Maaari ding bumalik sa ayos ang pagsasalita ng pasyente kahit walang speech therapy.

Ang deboto namang si Alfie Ardillo mula sa Balamban, Cebu, natrangkaso bago dumalo ng Misa sa Capelinha. Ngunit nasulit ang kaniyang sakripisyo nang makita ang dancing sun.

Ang debotong si Erlinda Legaspino, na may iniindang bukol dahil sa thyroid cancer. Pero bigla raw nawala ang karamdaman matapos ding masaksihan ang dancing sun.

Paliwanag ng internist/endocrinologist na si Dr. Antonio Pescador Jr., kung benign ang bukol, may tiyansang lumiit ito at kusang mawala.

Ayon kay Archbishop Jose S. Palma D.D. ng Archdiocese of Cebu, mayroong iba't ibang antas ang milagro.

“Basta ‘yung feeling ko lang is salamat Lord na nangyari ‘yon. Kahit ako nakakita. Salamat na ‘yung mga nakakita, kasi ‘yung bunga niya is talagang napalapit kay Lord. We travelled this far, we know that through this sign, Mama Mary is with us,” sabi ni Palma.

Paliwanag naman ng PAGASA, tinatawag na atmospheric optical phenomenon ang nangyari sa "dancing sun."

“Definitely hindi sumasayaw ang araw. Sapagkat kung sasayaw ang araw, definitely masisira o made-destroy ang ating Earth due to [gravitational] forces,” ayon kay Mario Raymundo, chief ng Astronomical Publication and Planetary Unit ng PAGASA.

“Ang dahilan nito, ang interaction ng sunlight sa different atmospheric particles. Kasama na riyan ang water vapor, water droplets, aerosol, ice crystals. Ang mga ulap na nakaharang sa pagitan ng mga nakakita at ng mismong araw ay nandoon dumaan ang sunlight at doon nake-create,” paliwanag pa ni Raymundo. —FRJ, GMA Integrated News